Noong Hulyo 15, 1997, nilagdaan ng dating Pangulong Fidel Ramos ang Proklamasyon Blg. 1041 na higit na magtataguyod sa kahalagahan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga natatanging programa para sa buong buwan ng Agosto, mula sa dating isang linggong pagdiriwang lamang.

Ang hakbang na ito ang nagsilbing muling pagkilala sa pagtataguyod ng dating Pang. Manuel Quezon sa pagkakaroon ng sariling wikang magbubuklod sa isang bansang pinaghihiwa-hiwalay ng kanyang heograpiya, kasaysayan, at kultura. Bilang pag-alala sa kanyang kaarawan sa Agosto 19, kinilala ang Tomasinong ito bilang “Ama ng Wikang Pambansa.”

Sa kasalukuyan, pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education, Culture and Sports (DECS), ang pangangasiwa ng mga programa para sa buwang ito.

Sa adhikaing mapayaman lalo ang wika, nagtatag ang KWF ng 21 sentro o Departmento ng Filipino sa mga piling pampublikong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, magiging mas madali ang pakikipag-ugnayan ng mga paaralan sa KWF tungkol sa pagpapatupad ng mga proyektong kanilang inihanda.

Bilang gantimpala, naglalaan ang KWF ng sampung libong piso para sa mga sentrong nakagawa ng mga pananaliksik at ang nasabing halaga rin ang magiging pondo para sa mga patimpalak ng sentro.

Hindi na kasama sa mga sentro ng KWF ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad sapagkat binibigyan sila ng kalayaang sundin o hindi ang mga proyekto ng KWF.

Sa kabuuan, sinusuportahan ng KWF ang layuning mapalaganap ang mataas na antas ng paggamit ng wikang Filipino upang magsilbing modelo ang mga guro nito sa kanilang estudyante at karaniwang tao at upang higit na makahikayat na sundan at mapag–ibayo ang mga produktibong gawain para sa paglinang ng sariling wika. Frances Margaret H. Arreza

READ
Lacson flyover project starts

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.