UPANG mas mapalawak ang serbisyo-publiko ng Unibersidad sa larangan ng medisina, pinangunahan ng UST ang pagpapatayo at pagkakaroon ng School for Midwives sa bansa dahil sa kukulangan ng mga bihasang kumadrona noong ika-18 siglo.

Sa bisa ng utos mula sa España, inaprubahan ang pagpapatayo nito noong Pebrero 20, 1879 na sinang-ayunan naman ng Santo Papa matapos ang tatlong taon.

Layunin ng paaralan na mahasa ang kaalaman ng mga katutubong Filipino ukol sa tamang pagpapaanak para mabawasan ang bilang ng mga ina’t sanggol na namamatay. Bahagi rin ito sa pagpapaunlad ng kalidad ng mga programang pang-akademiko sa UST na itinuturing na nangunguna sa panahong iyon. Samantala, pawang mga lalaki ang mga mag-aaral nito dahil noong 1924 pa lamang tumanggap ang UST ng mga estudyanteng babae.

Napasailalim ang eskwelahan sa Faculty of Medicine and Surgery at Faculty of Pharmacy upang pondohan ang mga pasilidad at suweldo ng mga doktor na nagtuturo dito. Kapantay noon ng kursong midwifery ang medisina.

Ayon sa kasaysayan, unang sinala sa Pilipinas ang propesyong midwifery sa bisa ng Public Act No. 310 na naglalayong magkaroon ng Medical Board of Examiners upang sukatin ang kakayahan at magtakda sa pagbibigay ng lisensya sa mga nagsipagtapos ng kursong ito.

Napahiwalay ang midwifery sa medisina nang maaprubahan ang Republic Act No. 2382 o ang “Medical Act of 1959” at nagsimulang magkaroon ng hiwalay na eksaminasyon at paglilisensya ang mga kumadrona mula sa Board of Examiners for Midwives.

Gaya ng School of Dentistry na nagtagal lamang ng isang taon matapos maitatag, isinara ang School for Midwives dahil di na nito makayanang punan ang panganagilangan ng mga estidyante. Nagsulputan na rin ang mga paaralang nakapokus lamang sa edukasyon ng pagpapaanak kaya ipinaubaya ng UST sa mga ito ang larangan ng midwifery.

READ
UST is best-performing private university

Bagaman sarado na ang School for Midwives ng UST, bahagi na ito ng kasaysayan ng Unibersidad bilang paaralang nangunguna sa medisina at sa iban pang kaalyadong larangan nito upang mapabuti ang kalagayan ng kalusugan ng bawat Filipino.

Tomasalitaan: Gambilain (pandiwa) — pagbanggit o pagtukoy sa isang tao o bagay na sariwa pa sa alaala.

Halimbawa: Mas mabuting tarakan mo ako ng punyal sa likod kaysa gambilain ang pangalan niya sa aking harapan.

Mga Sanggunian: Historical Documentary Synopsis of the University of Santo Tomas of Manila from its foundation to our day, Fr. Juan Sanchez y Garcia, O.P., 1929

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.