KUNG ako ang tatanungin, nagiging pabigat na ang pagbibigay ng regalo tuwing Pasko.

Nagiging obligasyon sa ating mga Pilipino ang paghahandog ng regalo sa ating mga kamag-anak at kaibigan. Ayaw kasi nating mangyari na sa isang pagtitipon, tayo ang bukod-tanging hindi nakapagbigay sa isang kamag-anak, at mangangakong ihahabol na lamang o babawi sa susunod.

Inaamin ko na hindi pa ako bumibili ng regalo para sa aking mga pinsang magdadalaga na, gamit ang sarili kong pera. Kung ano mang regalo ang aking naibigay sa kanila noon, nagmula ang pambili nito sa bulsa ng aking mga magulang. Bagaman nag-aaral pa ako sa kolehiyo at hindi pa ako obligadong bumili ng regalo para sa aking mga pinsan, nahihiya naman ako sa kanila dahil halos walang patid silang nagbibigay ng regalo sa akin, Pasko man o sa ibang espesyal na okasyon.

Nakatatak na sa kulturang Pilipino ang pagtanaw ng utang na loob. Kapag may ginawang mabuti ang isang tao sa akin, agad na pumapasok sa isip ko kung papaano ko siya masusuklian ng kabutihan. At ano pa ang higit na angkop na pagkakataon upang suklian sila kung hindi sa Pasko? Ito rin ang panahon kung kailan muling makikita ko ang mga taong malapit sa akin, sa tuwing dadalo ako ng mga salu-salo at reunion.

Ngunit, paano magagampanan ang pamimigay ng regalo kung hirap tayong matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng ating pamilya sa araw-araw? Lalo na sa panahon ngayong gipit pa rin sa pera ang karamihan; dagdag pa rito ang manaka-nakang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gasolina.

READ
Through the years

Hindi dapat maging obligasyon ang pamimigay ng regalo; sa halip, higit na mahalaga na malapit tayo sa ating mga mahal sa buhay at pinakikinggan natin ang kanilang mga saloobin. Iyon ang tunay na pagbibigayan kung saan naglalaan tayo ng pagmamahal at panahon para sa isa’t isa na bukal sa puso.

Dapat nating tandaan na isang karaniwang gabi lamang ang unang Paskong naganap sa Betlehem at kakaunti sa mga residente nito ang nakabatid sa pangyayaring ito. Bagaman nasa sinapupunan ng Birheng Maria ang Panginoong Hesus, hindi niya hiningi na patuluyin silang dalawa ni San Jose sa isang palasyo upang doon iluwal ang ating Tagapagligtas o ang dalawin sila ng mga hari. Sapat na sa kanila ang kusang-loob na pagtulong ng mga tao upang maibsan ang matinding sakit na nararamdaman ni Maria sa mga oras na iyon at ang paghandog kay Kristo bilang regalo nila sa daigdig.

Sana, ganoon din tayo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.