BAGO pa man ang kontrobersiyal na Nursing board exam leakage noong 2006, ginulantang na ang UST ng katulad na anomalya sa Physical Therapy (PT) licensure exam noong 1996, kung saan nagkaroon ng pagdududa sa ilang bahagi ng pagsusulit na umano’y pumabor sa UST.
Nag-ugat ang kontrobersiya nang lumabas ang mga paratang na may mga ibinebentang kopya ng mga tanong sa board exam sa halagang P7,000 pataas. Isang mag-aaral pa mula sa Fatima Medical Science Foundation ang nagsabing may isang Tomasinong nagbigay ng tips na lumabas naman sa eksamen.
Umigting ang mga akusasyon ng dayaan nang makuha ng UST ang una hanggang ika-90 puwesto sa ikatlong bahagi ng eksamen na PT Application. Animnapu sa mga ito’y nakakuha pa ng tamang sagot sa lahat ng katanungan.
Gayunpaman, pinasinungalingan ng Professional Regulation Commission ang mga akusasyon kasabay ng paglabas ng listahan ng mga bagong physical therapist noong Setyembre 1996. Ayon sa komisyon, wala silang nakitang matibay na ebidensya upang isangkot ang noo’y Institute of Physical Therapy ng Unibersidad sa dayaan.
Napagpasiyahan din ng komisyon na huwag na lamang isama sa kompyutasyon ang 44 na tanong na nabahiran ng pagdududa. Matapos muling kuwentahin ang mga iskor, tumaas pa sa 755 mula sa 337 ang kabuuang bilang ng mga pumasa, 91 rito ay Tomasino. Nagdulot ito ng pagtaas ng passing rate ng UST – mula 89 ay naging 91 porsyento ito.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang administrasyon ng Unibersidad sa pagkakasangkot ng UST sa kontrobersiya. Pagkainggit dahil sa patuloy na pamamayagpag ng UST sa PT board exam ang nakitang dahilan ng kung bakit isinangkot ang Unibersidad sa pandaraya.
Tomasino siya
Nag-aaral pa lamang siya sa Unibersidad ay nakitaan agad ng potensyal sa pagpinta ang noo’y baguhang si Angelito Antonio.
Isinilang noong Pebrero 25, 1939, hinasa niya ang kanyang galing sa pagpinta sa UST Fine Arts sa kursong painting. Sa kanyang pamamalagi sa Unibersidad, nahilig si Antonio sa pagsali sa iba’t ibang mga patimpalak, gaya ng Art Association of the Philippines at Shell National Students Art Competition.
Dahil na rin sa kaniyang natatanging galing sa pagpinta, binansagan si Antonio bilang isa sa ten most promising young artists in the Philippines noong 1965.
Kabilang sa kaniyang mga obra ang Mag-Ina, Sabongero, Harvest, Vendor at Mother and Child. Naitanghal na rin ang kanyang mga likha sa maraming bansa gaya sa Saigon, New York, Hong Kong at Australia.
Bumalik si Antonio sa UST upang magturo sa noo’y College of Architecture and Fine Arts noong dekada sisenta.
Sa kasalukuyan, si Antonio ay namumuhay sa Antipolo kasama ang kabiyak na si Norma Belleza na isa ring Tomasinong pintor. Ipinagpapatuloy naman ng kanilang mga anak na sina Marcel, Emil at Fatima ang tradisyon ng pagkahilig sa sining ng kanilang pamilya.
Tomasalitaan:
Kag-yat (pnr, pnb) – agad; madali.
Halimbawa: Kagyat niyang inakyat ang puno ng niyog matapos niyang makita ang alagang pusa sa tuktok nito.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian, Tomo LXIX Blg. 4, Setyembre 12, 1996
The Varsitarian, Tomo XXXVII Blg. 8, Setyembre 1965
http://artcircle-gallery.com/antonio.htm