Dibuho ni Jilson Seckler C. TiuALAM n’yo ba na mayroong panahon kung kailan ang UST wari mo’y nagbigay ng “vocational courses?”

Inilunsad ng UST ang mga short term na kurso noong panuruang taon 1974-1975 sa ilalim ng noo’y Institute of Technological Courses sa layon ng gobyerno na gawing kapaki-pakinabang ang mga kabataan kahit na sila’y hindi nakapagtapos ng apat na taong kolehiyo.

Ang Institute of Technological Courses ay itunuring na yunit ng Faculty of Engineering at ang dekano nito ay naging kabalikat ng direktor ng instituto sa pamamahala.

Ang mga naturang short term na kurso ay binubuo ng tatlong taon, at bukas sa lahat ng mag-aaral kabilang na ang mga hindi pumasa sa National College Entrance Examination (NCEE), na noo’y pre-requisite sa mga nagnanais makapag-aral ng kolehiyo. Ang mga guro sa naturang institusyon ay mula sa iba’t-ibang industriya kung kaya’t ang kanilang mga mag-aaral ay madaling nakahanap ng trabaho bilang machinists, electrical technicians, electronic technicians, at printing technicians. Bukod pa rito, nagkaroon din ng mga pang-isang taong kurso upang maging tourist guide na inihandog ng College of Education, nursing aide (College of Nursing), at commercial aide (College of Commerce and Business Administration).

Taliwas sa inaasahan, marami ang tumangkilik sa mga short term na kurso na naging dahilan upang karamihan sa mga ito ay manatili sa curriculum. Mabisa kasi itong daan patungo sa mga four-year courses kung saan marami sa mga asignatura ay napag-aralan na ng estudyante sa short term courses.

Sa kasalukuyan ay wala ng short term na kurso sa Unibersidad.

Tomasino Siya

Kilala bilang “Dean of Filipino Sportswriters,” si Antonio Siddayao ay isa sa mga hindi malilimutang manunulat ng kaniyang panahon na nagbigay ng bagong mukha sa larangan ng pagsulat ng balitang pampalakasan.

READ
UST places 104th in annual Asian rankings

Nagtapos sa noo’y Faculty of Philosophy and Letters, naging patnugot ng Varsitarian si Siddayao sa loob ng pitong taon. Matapos nito ay nakapagtrabaho siya sa mga pahayagang Manila Times, Daily Express, at Manila Standard.

Dahil sa kaniyang dedikasyon sa pagsusulat, nakilala ang galing ni Siddayao at naipadala siya para magbalita ng mga pangyayari sa Olympics, Asian Games, Southeast Asian Games at marami pang iba.

Si Siddayao rin ang nagpasimula sa paglalagay ng scoreboard sa mga balitang pampalakasan—bagay na magpahanggang ngayon ay ginagamit pa rin sa mga pahayagan.

Taong 1995 nang pumanaw si Siddayao dahil sa sakit na prostate cancer. Bago pa man ito ay nanatiling tapat sa kaniyang tungkulin si Siddayao at pinilit pa ring magsulat kahit madalas siyang na-ospital.

Bilang pagkilala sa kaniyang talento, itinatag ng Philippine Sportswriters Association ang Antonio Siddayao Award noong 2001 na kumikilala sa mga atletang Filipino na nagpakita ng dedikasyon sa paglalaro.

Tomasalitaan:

Áting (png) – pawis

Halimbawa: Naligo sa áting ang manlalarong nagwagi matapos tumakbo nang 10 kilometro.

Mga Sanggunian:

De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc., 2000

The Varsitarian Sports Magazine: 10 Notable Thomasian Sports Personalities. Tomo LXXVII, Special Sports Supplement, Hunyo 2006

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.