NOBYEMBRE ng taong ito nang gulatin ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang sambayanan sa tumataginting na P741 milyong premyo sa Grand Lotto 6/55. Marami ang nagbakasakali, umaasang makamit ang premyong 86 na beses na walang nakakuha. Pero hindi ako tumaya.

Halos araw-araw kung ipakita sa telebisyon ang mahabang pila sa mga tayaan ng lotto. Marami ang mga naghahangad, marami ang mga nangangarap sa pangakong hatid ng limpak-limpak na salapi. Sa isang bansang tulad ng Pilipinas, kung saan isa sa bawat tatlong Filipino ang nabubuhay sa isang dolyar kada araw, hindi nakapagtataka ang bilang ng mga gustong magwagi sa lotto. Maaaring ito na nga ang sagot sa kahirapan ng karamihan, ngunit ang malaking halagang ito ay sumasalamin din sa noon pa ma’y suliranin na ng maraming Filipino—ang pagkagumon sa sugal.

Ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, ang masuwerteng nagwagi sa lotto ay may posibilidad na maging talunan, dahil sa mga kaakibat na suliraning kalakip ng kaniyang pagkapanalo, tulad ng ibayong pag-iingat laban sa mga masasamang loob. Bukod pa rito ay ang katotohanang pag-aari ng maraming tao ang salaping kaniyang napanalunan. Kung iisiping mabuti, ang P741 milyong piso ay mula sa milyun-milyong Filipinong tumataya sa lotto—malaking halaga na nagpakikita na milyun-milyon din ang nagumon sa bisyong tila naging bahagi na yata ng ating kultura.

Sa kabilang banda, hindi masasabing masama ang pagsusugal. Ayon sa Catechism of the Catholic Church, “Games of chance [card games, etc.] or wagers are not in themselves contrary to justice. They become morally unacceptable when they deprive someone of what is necessary to provide for his needs and those of others.

READ
MTRCB fosters discrimination of fat people

The passion for gambling risks being an enslavement. Unfair wagers and cheating at games constitute grave matter, unless the damage inflicted is so slight that the one who suffers it cannot reasonably consider it significant.”

Sa makatuwid, masasabi lamang na masama ang pagsusugal kung gagawin ito nang labis-labis hanggang sa puntong maging alipin na nito ang tao. Sa pagkakataong ito ay madalas na maging biktima ng pagkagumon sa sugal ang mga mahihirap. Nariyan ang mentalidad na ang pagkapanalo sa sugal ang pinakamabisa at pinakamabilis na solusyon sa pag-asenso, bagay na nagiging dahilan upang imbes na ipunin ay ipantataya na lamang ang salaping hawak, sa pag-asang darami ito kung susuwertihing manalo.

Hindi masamang mangarap ng magandang buhay. Ngunit hindi ba’t higit na mas matamis kung makakamtan ito sa sariling sikap? Isang magandang halimbawa sa lahat ang paghahanapbuhay nang marangal, kung saan maaari ngang hindi agaran ang asenso, ngunit sa kabilang banda nama’y higit ang madarama nating sense of fulfillment. Imbes na gastahin ang ating salapi sa pagsusugal, higit na mainam kung atin itong bibigyan ng tamang halaga o ‘di kaya’y ipantutustos sa mga bagay na higit nating kailangan.

Sa pagsusugal, hindi tiyak ang pagkapanalo. Ngunit sa pagsisikap, sa sandaling ibigay mo ang lahat-lahat sa iyo upang umasenso, siguradong-sigurado ang iyong pagkapanalo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.