[bg|5637|3|140|random|6|#FFF|1|Freshmen Walk, umusad]
Agosto 5, 9:33 p.m. – NATULOY rin sa wakas ang taunang “welcome walk” para sa mga mag-aaral ng Unibersidad sa unang antas, matapos ang dalawang beses na pagsuspinde nito sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang tradisyon na nagsimula noong 2002 ay pormal na nagumpisa kaninang alas-tres ng hapon, matapos ikansela noong Hunyo 23 at Hulyo 29 dala ng mga bagyong nanalanta sa Kamaynilaan.
Ayon kay Evelyn Songco, assistant to the Rector for student affairs, ang Thomasian Welcome Walk ay maayos na naisagawa kahit na ito ay “minadali.”
“Kung hindi natin itutuloy ang tradisyong ito ngayong araw, kalian pa?” ani Songco.
Sinabi ni P. Rolando de la Rosa, O.P., Rektor ng Unibersidad, na ang tradisyon ng paglakad papasok ng Arch of the Centuries ang siyang simula ng makabuluhang paglalakbay patungo sa tagumpay.
“Pinatuloy namin kayo sa UST upang ipagpatuloy ang inyong mga pangarap tungo sa adventure ninyo sa kolehiyo—ang graduation,” ani De la Rosa.
Samantala, ang misa at after party ay idinaos sa Plaza Mayor sa unang pagkakataon dahil maputik ang open spaces dulot ng mga pag-ulan sa nagdaang mga araw, ani Songco.
Ang Welcome Party ay dadaluhan ng mga banda gaya ng SpongeCola, Grace Note, Kiss Jane, Tanya Markova, at Sino Sikat.
Mahigit 13,000 mag-aaral sa unang antas ang naitalang dumalo sa taunang tradisyon; 1,863 dito ang nagmula sa Faculty of Engineering, kung saan muling naitala ang pinakamaraming bilang ng freshmen. R. D. Madrid