Updated Agosto 8, 11:40 p.m. – NAGTIPUN-TIPON ang mga Tomasino upang ipagdiwang ang kapistahan ni Santo Domingo de Guzman sa Parokya ng Santissimo Rosario kaninang umaga.
Sinimulan ang pagdiriwang sa Banal na Misa na dinaluhan ng mga paring Dominiko at humigit-kumulang na 2,000 mag-aaral, tagapamahala mula sa iba’t ibang fakultad at kolehiyo, kawani, at iba pang panauhin.
Si Santo Domingo, na isinilang nuong 1170, ang nagtatag ng “Order of Preachers (O.P.),” ang samahan ng mga kaparian at relihiyoso na namamahala sa Unibersidad. Mas kilala ang mga myembro ng Orden bilang mga Dominiko.
Pinangunahan ni P. Rolando de la Rosa, O.P., Rektor ng UST, ang pagdiriwang. Kanyang binigyang diin sa homiliya na si Santo Domingo ay isang santong may damdamin. “[He is a] saint familiar with human conditions … face to face, heart to heart.”
“He is a preacher of grace. He preached [to] the people tirelessly,” ani De la Rosa. “He witnessed the poor and suffering. He is naturally compassionate.”
Sinabi rin ni De la Rosa na si Sto. Domingo ay isang tao na lumuluha at sa katunayan, ginugol niya ang gabi sa pagluha upang humingi ng kapatawaran mula sa Panginoon.
“Dominic is not just a strong and powerful individual. He is a man who weeps. Like Jesus Christ, he weeps,” aniya. “Ang luha ay matamis o mapait, depende sa nararanasang emosyon. Ayon sa mga makata, ang ugat ng ating mga mata ay nasa puso. Ang taong may pusong bato at hindi lumuluha ay walang puso.”
Ngunit nilinaw ng Rektor na ang pagluha ay “hindi lamang para sa atin, kundi isa ring pakikiramay sa iba.”
Idinagdag pa niya na ang pinakakailangan ng bawat isa upang maging kawangis si Santo Domingo ay isang pusong tumitibok.
“St. Dominic is not a ‘super-sized hero’ who is difficult to imitate. You just need to have a heart that is working,” ani De la Rosa.
Isinilang ang tagapagtatag ng Orden sa Caleruega, Espanya. Nagtapos si Santo Domingo sa Unibersidad ng Palencia at di lumaon ay naging pari sa Katedral ng Osma.
Noong 1203 ay isinama siya ng obispo ng Osma sa isang misyong diplomatiko.
Sa bahaging timog ng Pransya ay nakita niya ang masamang epekto ng heresiyang ikinakalat ng sektang Albigenses — na nagturo na ang pisikal mundo ay ubod ng sama at dahil dito’y si Kristo ay ‘di nagkaroon ng katawang tao.
Upang labanan ang mga maling aral, itinatag niya ang Orden na binubuo ng mga paring tagapangaral, madre, at laiko. Ikinalat niya ang kanyang mga tagapangaral sa buong Europa simula 1217.
Sa kanyang pangangaral, nakita niyang mas epektibo ang ehemplo ng karukhaan kaysa buhay-karangyaan na ipinakita ng ibang mga kleriko nuong kanyang kapanahunan. Naglakad siyang nakapaa upang mangaral sa mga bayan at masiglang nakipag-debate sa mga kalaban. Sinasabing nakapagpagaling siya ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay.
Dalawang beses niyang tinanggihan ang alok na maging obispo. Naging kaibigan niya si San Francisco de Asis, tagapagtatag ng Order of Friars Minor o mga Pransiskano.
Namatay si Santo Domingo noong Agosto 6, 1221, sa Bologna, Italya.
Samantala, sabay na ipinagdiwang ng mga paring Dominiko at Pransiskano ang kapistahan sa simbahan ng Santo Domingo ngayong gabi.
Naging tradisyon na ng dalawang orden na Pransiskanong pari ang manguna sa pagdiriwang ng Banal na Misa kapag ang pagdiriwang ay nakasentro sa mga Dominiko; gayundin naman kapag magdiriwang ang mga Pransiskano. Nagpunta rin sa Misa ang ilang mga OFM Capuchins at OFM Conventuals, mga madreng Dominiko at Pransiskano, at mga laikong Dominiko.
Ayon kay P. Baltazar Obico, OFM, minister provincial ng Province of San Pedro Bautista, kailangang mabuhay ang mga tao nang walang inaari sapagkat ang lahat ng bagay ay pagmamay-ari ng Diyos. Ito ang parehong katangian ng dalawang orden.
“Ang kawalan ng katarungan ay nag-ugat sa pag-aangkin ng mga tao sa mga ari-arian ng Diyos,” ani Obico sa kanyang homiliya. “Noong panahon nina [St.] Dominic at [St.] Francis, they believed that they cannot call anything as their own sapagkat sa Diyos ang lahat ng bagay.”
Sinabi rin ni Obico na “all things are in common in terms of necessity,” at ito ang kaisipang umiiral sa mundo kung saan dapat magkaroon ng “prophetic witnessing” ang mga tao sa gitna ng lipunan.
Si Santo Domingo, ayon kay Obico, ay naniniwala na kailangang tulungan ang mga dukha sa lahat ng pagkakataon.
“Ibinenta ni Sto. Domingo ang pinakaimportanteng libro na ginagamit niya sa pagninilay-nilay upang tulungan ang nangangailangan,” ani Ubico. James Bryan J. Agustin