Agosto 9, 6:49 p.m. – TINALAKAY ng isang panauhing tagapagsalita mula sa Estados Unidos ang “Networked Journalism,” isang makabagong paraan ng pagkalap ng impormasyon.
Tampok sa forum si Andrew Haeg, isa sa mga tagapagtaguyod ng Public Insight Network, isang online database na nagpapahalaga sa kaalaman at opinyon ng mga ordinaryong mamamayan.
Aniya, nilalayon ng “Networked Journalism” na makapanayam ang mga karaniwang tao upang makalikom ng mahahalaga at “hidden truths.”
“Valuable knowledge and insight is all around us. What people share can matter a great deal but only if it is collected, analyzed and stored,” ani Haeg sa diskusyong ginawa sa Thomas Aquinas Research Complex Lunes ng hapon.
Ayon kay Haeg, isa sa mga nagtatag ng grupong American Public Media, mahalaga ang pagbuo ng tiwala ng mga tao sa mga mamamahayag.
“The promise of a private [and] secure back channel, plus simple and clear direction to share with trusted journalists is equal to a rare opportunity to share deeply and candidly,” ani Haeg.
Aniya, ang mga nagtutulak sa mga ordinaryong tao na magbahagi ng impormasyon ay ang kaalamang obligasyon nila ito bilang mga mamamayan, at ito ay serbisyo publiko.
Sinabi rin ni Haeg na ang pinagsasama-samang boses ng mga tao ay kadalasang hindi napakikinggan. Dahil dito, nararapat umanong magsulat ang mga mamamahayag ng mas maraming istorya tungkol sa saloobin ng mga ordinaryong tao, hindi lamang tungkol sa iniisip ng mga pulitiko. Gervie Kay S. Estella