Agosto 18, 5:37 p.m. – IKINAGULAT ng marami ang ‘di inaasahang pagbibitiw sa pwesto ng pangulo ng UST Faculty Union matapos ang President’s Report sa idinaos na general assembly kanina sa Medicine Auditorium.
“[Nagbitiw ako] para mabigyan ng pagkakataon ‘yung mga mas nakababata na sila naman [ang mamuno],” ani Gamilla sa isang ambush interview ng Varsitarian matapos siya magbitiw sa pwesto.
Si Gamilla, na 15 taong naging pangulo ng unyon, ay nagbitiw sa gitna ng kontrobersiya sa nawawalang P9.5 milyon na diumano’y “illegal disbursement” mula sa kaban ng unyon para sa proyektong pabahay.
Ayon kay Noel Asiones, vice president for legal affairs ng unyon, hindi na sasampahan ng kasong kriminal si Gamilla dahil tumugon siya sa rekomendasyon ng Committee of Peers, na binuo upang magimbestiga tungkol sa nawawalang pera.
Kabilang sa rekomendasyon ng naturang komite ang pagbibitiw ni Gamilla at ang pagbabayad n’ya ng bahagi ng nawalang P9.5 milyon, kasama ang dating treasurer na si Gil Garcia at dating auditor na si Raymundo Melegrito.
Nagbalik ang developer ng pabahay na si Mario Villamor ng P3 milyon, ani Dr. George Lim, executive vice president ng unyon.
“Since he has resigned and promised to return the remaining balance of the P9.5 million, [filing a criminal case against Gamilla] will no longer be necessary,” ani Asiones.
Si Lim ang tatayong pangulo ng unyon. Ani Lim, gaya ng ibang opisyal at myembro ng unyon, hindi n’ya rin inaasahan ang pagbibitiw ni Gamilla.
“Nagulat ako, at nalulungkot din [sa nangyayari],” ani Lim. Diana Jean B. Evite