ANG PAGBUBUKAS ng Unibersidad sa mga babaeng mag-aaral ay hindi naging madali ang prosesong ito dahil kinailangan pa ng isang 23-pahina na petisyon na nagsasaad ng kahilingan ng higit 1,000 na babae upang makapasok sa UST.
Ang desisyon upang papasukin ang mga babaeng mag-aaral ay hindi nagmula sa rektor ng Unibersidad kundi sa Vatican.
Noong Mayo 16, 1923, dumating ang pinakahihintay na sagot mula sa Vatican sa pamamagitan ni Cayetano Cardinal Bisleti, prefect ng Sacred Congregation of Seminaries and University Studies, na nagsasabing maaari nang tumanggap ng mga kababaihan ang UST.
Ang Faculty of Pharmacy ang unang tumanggap ng mga babaeng mag-aaral noong 1924 sa ilalim ng rektor na si P. Manuel Arellano, O.P.
Bagaman hindi naging madali ang pagbabagong ito dahil sa pagdami ng populasyon sa Unibersidad, agad naman itong nasolusyunan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga araw kung kailan papasok ang mga kalalakihan at kababaihan.
Sa 93 kababaihang nais maging parte ng Unibersidad, 24 lamang ang pinalad na nakapasok noong taong pampaaralan 1925-1926. Sa sumunod na taon, nagsimula ring tumanggap ng mga kababaihan ang College of Education dahil kinailangan ng bansa ng maraming mga guro. Sa 39 na kababaihang natanggap, 15 ay mga madre.
Ang pagtanggap ng mga kababaihan sa mga kolehiyong ito ay nagbigay-daan sa pagbubukas ng Unibersidad sa mga kababaihan sa iba pang mga kolehiyo.
Noong 1927, binuksan sa mga kababaihan ang Faculty of Philosophy and Letters (Faculty of Arts and Letters ngayon) at noong 1932 naman ang Faculty of Medicine and Surgery at College of Commerce and Business Administration. Sumunod din ang Faculty of Civil Law (1936), College of Fine Arts and Design (1937), at Graduate School (1938). Matapos ang dalawang taon, ang Faculty of Engineering at College of Architecture ay tumanggap na rin ng mga kababaihan at taong 1946 lamang nagkaroon ng mga babaeng mag-aaral sa College of Nursing at Conservatory of Music.
Sa kasalukuyan, bukas sa lahat ng mga babaeng mag-aaral ang lahat ng kolehiyo at pakuldad sa Unibersidad.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng isang matagumpay na kompanyang pang-teknolohiya sa bansa?
Nagtapos ng kursong Chemical Engineering noong 1975, si Maria Cristina Galang Coronel ang pangulo at chief executive officer ng Pointwest Technologies Corporation, ang pinakamalaking Information Technology (IT) company na pagmamay-ari ng Pilipino. Ang naturang korporasyon ay mayroong mga kliyente sa Estados Unidos, New Zealand, Australia, at United Kingdom.
Isa rin siya sa mga nagsimula ng Software Ventures International Corporation, isang “offshore IT outsourcing company” kung saan sa pamamagitan ng isang global service delivery model ay magpapadala ang iba’t ibang bansa ng mga trabaho rito sa Pilipinas. Ito ay nagbunsod ng karagdagang trabaho sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, si Coronel ang pangulo ng Philippine Software Industry Association at trustee ng Industrial Research Foundation at ng Committee on Capability Development na naglalayong mapaunlad ang industriya ng software developers sa bansa. Kabilang si Coronel sa UST Engineering Centennial Awardees for Industry Leadership at Outstanding Thomasian Alumni Business Leaders na pinarangalan noong Oktubre 2010.
Tomasalitaan
Kolado (png)—tao na hindi imbitado ngunit dumadalo sa anumang pagdiriwang.
Halimbawa: Si Paul ay isang kolado sa pagdiriwang ng kaarawin ni Isabel na kaniyang kaaway.
Mga Sanggunian:
(2007). Torres, J.V. In Transition: The University of Santo Tomas During the American Colonial Period (1898-1935). UST Publishing House, España, Manila.
http://www.comste.gov.ph/content.asp?code=163