04 Agosto 2012, 7:39 p.m. – SA KABILA ng malakas na ulan, nagtipun-tipon ang libu-libong katao sa EDSA Shrine upang manawagang “ibasura” ang Reproductive Health (RH) bill.
“Ang bawat batas ay gumagawa ng kultura, umuukit ng mentalidad,” paalala ng arsobispo ng Maynila, Luis Antonio Tagle, sa kaniyang mensahe para sa “One Prayer Power Rally versus the RH bill” kaninang hapon.
“Nakilatis na ba ninyo kung ano ang kultura ng Pilipinas, anong kultura ang ibinibigay ng RH bill?” tanong ni Tagle.
Labing-anim na diyosesis mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang kasabay na nagsagawa ng prayer rally sa araw na ito para pigilan ang pagsasabatas ng RH bill, ani Fr. Melvin Castro, kalihim ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Commission on Family and Life.
Ang prayer rally ay panawagan sa mga kongresistang boboto sa pagsasabatas o pagbasura ng RH bill sa Agosto 7.
Layon ng RH bill na pondohan ng gobyerno ng bilyun-bilyon ang pamimigay ng kontraseptibo sa buong bansa, at hikayatin ang mga Pilipino na magkaroon lamang ng dalawang anak upang umano’y lumago ang ekonomiya.
Sinabi ng mga tagapagsalita sa rally na ang RH bill ay dikta lamang ng mga dayuhang nais kontrolin ang populasyon ng Pilipinas.
Payag sa sex ed, ngunit…
Ang bansang Thailand na isang
“condom country” ay mayroon sa kasalukuyan na 1.3 milyong kaso ng AIDS, kung kaya’t masasabi na walang
“perfect contraceptive,” sabi ni Dr. Eleanor Palabyab, obstetrician-gynecologist na kinatawan ng grupong Doctors for Life.
Sinabi naman ni Dr. Lucile Montes, eksperto sa Family Medicine, na ang Simbahan ay pumapayag na bigyan ang mga kabataan ng sex education, ngunit nararapat na gawin ito sa tamang edad, tamang paraan, at nang may tamang mensahe.
“Ang RH bill ay mali dahil ang paksa nito ay population control, paggamit ng contraceptives, at ang tinatawag nilang
reproductive health rights na siya namang inaalisan ng karapatan ang mga magulang sa kanilang mga anak,” ani Montes.
Kulay pula ang suot ng karamihan sa mga dumalo sa prayer rally bilang simbolo ng buhay at ang “pag-ibig ng Diyos,” ani Fr. Anton Pascual, presidente ng Radyo Veritas.
Nagmisa ang arsobispo ng Antipolo, Gabriel Reyes, bago natapos ang pagtitipon bandang ikapito ng gabi.
Sa kaniyang homiliya, ipinaliwanag ni Obispo Teodoro Bacani, isa sa mga bumalangkas ng Konstitusyon noong 1987, kung bakit “abortifacient” ang ilang kontraseptibong ipamamahagi sa ilalim ng panukalang batas.
Ang pills ay may kemikal na kayang magpalaglag ng “fertilized ovum,” aniya. Ang ovum ay tao na at hindi “dugo” lamang gaya ng kaisipan ng mga pabor sa RH bill, dagdag pa niya.
Kabilang sa mga dumalo sina Senate President Juan Ponce Enrile, Senate Majority Leader Vicente Sotto III, Sen. Gregorio Honasan, Rep. Mitos Magsaysay, at si Lito Atienza, dating alkalde ng Maynila. Gervie Kay S. Estella at Denise Pauline P. Purugganan