10 Agosto 2012, 5:01 p.m. – ISANG malawakang paglilinis ang isinagawa sa Unibersidad matapos ang pagbaha ng ilang araw dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Kasalukuyang nililinis ang mga unang palapag ng mga apektadong gusali gaya ng UST Hospital, kabilang ang Emergency Room ng Pay Division. Ang pagtatanggal ng tubig sa basement ng Clinical Division ay inaasahang matatapos bukas.
Umabot ang baha sa kisame ng basement ng ospital, kung saan matatagpuan ang opisina ng General Services at ang morgue.
Hanggang tuhod naman ang naging baha sa unang palapag ng Clinical Division at Pay Division, ang gusali kung saan matatagpuan ang Emergency Room.
Nagsasagawa na rin ng paglilinis sa Unibersidad ang 293 na manggagawa ng City Service Corp. upang maihanda ang mga napinsalang pasilidad para sa muling pagbubukas ng klase sa Lunes.
Ayon kay Peter Reyes, senior supervisor ng City Service, kumuha ang Unibersidad ng karagdagang 140 na manggagawa upang maglinis sa mga gusali at 15 na maglilinis naman sa mga kalsada at daanan ng tao. Ani pa Reyes, inaasahang matatapos ang paglilinis bukas.
Nagbibilad ng mga nabasang kagamitan ang Security Bank at Post Office habang ang mga tindahan sa unang palapag ng carpark ay patuloy pa rin ang operasyon matapos maglinis.
Gumagamit ng makina para matanggal ang tubig sa mga elevator ng Albertus Magnus, habang nakabilad ang mga upuan at libro ng Creative Writing Center sa St. Raymund’s Building.
Patuloy rin ang paglilinis sa Main Building matapos mag-iwan ng umaalingasaw na amoy at putik sa unang palapag ang gatuhod na baha.
Nakabilad rin sa may bintana ng Eccelesiastical Faculties Library ang ilang libro matapos itong pasukin ng baha.
“The library is okay [as] we were able to lift some books up before the water came in,” ani Fr. Angel Aparicio, ang prefect of libraries ng Miguel de Benavides Library.
Samantala, ginagamit naman ang tubig ng swimming pool para sa paglilinis ng mga mapuputik na kalsada sa loob ng Unibersidad. Nikka Lavinia G. Valenzuela at Cez Mariela Teresa G. Verzosa