13 Agosto 2012, 11:58 p.m. – NAPANATILI ng Unibersidad ang puwesto nito bilang second top-performing school sa Physical Therapy (PT) licensure examinations, habang bahagyang tumaas ang passing rate nito sa Occupational Therapy (OT) board exams.

Ayon sa datos mula sa Professional Regulation Commission (PRC), muling pumangalawa ang UST sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa PT board exams, matapos itong magtala ng 88.76 porsiyentong passing rate. Sa 89 na Tomasinong kumuha ng pagsusulit, 79 sa kanila ang pumasa.

Muling kinilala ng PRC ang PLM na top-performing school matapos itong magtala ng 97.26 porsiyento (71 sa 73), mas mababa sa iskor nito noong 2011 na 100 porsiyento matapos pumasa lahat ng 60 na kumuha ng nasabing licensure exams.

Ang porsiyentong nakamit ng UST ay mas mataas kumpara noong nakaraang taon, matapos itong magtala ng 86.08 porsiyentong passing rate, o 68 na pumasa mula sa 79 na kumuha ng pagsusulit.

Samantala, dalawang Tomasino lamang ang nakapasok sa top 10 list of passers sa pagsusulit sa PT, mas mababa kaysa sa apat noong 2011.

Pinangunahan ni Maxine Therese Redulla na nasa ikaanim na puwesto ang mga bagong Tomasinong physical therapists matapos makakuha ng 83.85 porsiyento, habang lumapag naman sa ikawalong puwesto si Lemuel Lim (83.75 porsiyento).

Noong nakaraang taon, nakuha ng UST ang ikalawa, ikalima, ikaanim, at ikasiyam na puwesto sa PT board exams.

Bahagya ring tumaas ang national passing rate sa 53.05 porsiyento (469 sa 884) para sa PT board exams, mula sa 51.4 na porsiyento (506 sa 984) noong nakaraang taon.

Samantala, bahagya ring umangat ang passing rate ng UST para sa pagsusulit sa mga occupational therapists matapos itong makakuha ng 60.53 porsiyentong passing rate. Mas mataas ito sa 58.82 porsiyentong passing rate ng Unibersidad noong 2011.

Ngayong taon, 23 sa 38 na Tomasino ang pumasa. Noong 2011, sa 51 na kumuha ng pagsusulit, 31 lamang ang pinalad.

Walang paaralan ang hinirang ng PRC na top-performing school sa OT licensure exams. Ayon sa pamantayan ng PRC, kikilalanin lamang ang isang pamantasan na top-performing school kung ito ay magtatala ng 80 porsiyentong passing rate sa minimum na 50 kukuha ng pagsusulit.

Walang kinilala ang PRC na topnotcher sa nasabing pagsusulit.

Bumaba sa 43.75 porsiyento ang passing rate sa OT board exams ngayong taon matapos 49 lamang ang pumasa mula sa 112 na kumuha ng pagsusulit. Mas mababa ito sa 48 porsiyentong passing rate noong nakaraang taon. Reden D. Madrid 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.