NANINDIGAN ang Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikan na si Virgilio Almario na ang pagkilala sa sariling kultura ay susi sa pag-unlad ng sarili at bayan.
Sa pagtutulungan ng Departamento ng Filipino, Varsitarian, at propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters na si Imelda de Castro, isang pagpupulong ang naganap sa AMV-College of Accountancy Hall noong Agosto 29 bilang pangwakas na programa sa Buwan ng Wika.
Pinamagatang “Sagisag Kultura: Lundayan ng Programang K-12, Filipino Bilang Wika ng Edukasyon,” sinabi ni Almario na ang pagkilala ng “atin” ay isang karangalan na bubuo sa national creativity ng bansa.
“Ang kultura ay kapangyarihan dahil nakapagsisimula ito ng pride—pride of country and of self—at makakapagsimula ito ng national creativity,” aniya.
Ipinakilala ni Almario ang ilan sa 800 na mga sagisag ng kultura upang mas maunawaan ng mga Pilipino ang halaga ng “sariling atin.”
“Ang sagisag kultura ay ang pagbuo ng isang kaisipang Pilipino. Binubuo ito ng mga sagisag na mula pa sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas,” ani Almario.
“Ito ay larawan ng lahat ng mga Pilipino at dito ay matutuklasan natin na ang ating kultura ay mahalaga…dapat ay memoryahin, ingatan, at kung maaari, ay isakripisyo ang buhay para rito,” aniya.
Binigyang-diin ni Almario na limitado ang cultural literacy ng mga Pilipino lalo na ang mga kabataan kaya dapat itong mas palawigin pa.
“Malimit nga ay ‘di natin alam kung ano nga ang tinatawag nating Pilipino. Napakalimitado [ng ating cultural literacy]. Kung hindi man ay napakababaw ang alam [natin] tungkol sa sarili bilang Pilipino.”
Para kay Almario, ang mga Pilipino ay mayroong “Rice Terraces Syndrome”, isang karamdaman sa hindi natin pagkilala sa mga simpleng pangalan na nasa wikang Filipino.
“Taglay ng mga Pilipino ang isang malubhang sakit na atin na nga hindi pa natin kinikilala,” ani Almario.
“Wala tayong interes na kahit sa pangalan lang, ‘di pa natin puspusang pinag-aaralan kung ano talaga ang pangalan natin,” aniya.
Hindi man daw umabot sa panahon kung kailan ang ating mga ninuno ay nagpapatayo ng malalaking palasyo, mayroon pa rin naman daw tayong intangible heritage na maipagmamalaki.
“‘Yung intangible actually ang mas mahalaga kasi iyon ang hindi mamawala sa atin. Ngunit ito ay unti-unting mawawala dahil hindi naman natin pinag-aaralan.”
Ayon kay Almario, ipagpapatuloy niya ang pagpapalaganap ng wikang pambansa dahil dapat itong ikarangal.
“Kailanman ay hindi mamamatay ang wika—ang 150 plus na wika na nagtataglay ng karunungan at mga karanasan na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” aniya.
Nang tanungin kung sang-ayon ba siya sa paglalagay ng Mother Tongue-Based Multi-Lingual Education sa bagong kurikulum sa mga paaralan ngayon, sinabi ni Almario na matagal nang ginagamit ang katutubong wika bilang medium of instruction at naisapormal na lamang ito sa kasalukuyan.
“Noong panahon ng mga Amerikano ay monolingual lang ang ginagamit,” ani Almario. “Ngunit nang ipinadala nila ang Monroe Commission noong 1925 upang mag-survey ng sistema ng edukasyon sa bansa, nalaman nilang nahirapan ang mga bata na mag-aral ng Ingles dahil ang Ingles ay ginagamit lamang nila sa silid-aralan at paglabas ay hindi na.”
“Pumili sila (mga opisyal) ng mga katutubong wika dahil sa academic value—bilang medium of instruction na madaling maiintindihan ng mga mag-aaral,” dagdag pa niya.
Sa huli, sinabi ni Almario na ang kultura ang magpapaunlad sa ating bansa. Sa halip na gumaya sa iba, dapat maunawaan ng mga Pilipino ang kahalagahan ng sariling atin.
“Mayroon tayong ipagmamalaking sariling kultura. ‘Yung kultura na ‘yon ay susi sa ating pag-unlad,” ani Almario.
“Hindi tayo uunlad kung gaya-gaya tayo at hindi man lang natin natututunan ang atin. Ang pagmamalaki ng sarili nating kultura ay magpapasimula ng ating national creativity,” aniya. Elora Joselle F. Cangco