LAYUNIN ng Unibersidad na linangin hindi lamang ang karunungan ng mga Tomasino kung hindi pati na rin ang kanilang pangangatawan.
Noong Mayo 1932, pormal na inilunsad ng College of Education ang kursong Physical Education sa Unibersidad upang mas bigyang pansin ang natatanging galing ng mga Tomasino sa larangang pampalakasan.
Noong Hunyo ng naturang taon, itinatag naman ni Rev. Juan Labrador, O.P., ang rektor noong panahong iyon, ang Board of Athletic Control ng Department of Physical Education bilang pagsuporta ng Unibersidad sa larangan ng atletika. Pinapangasiwaan ng Board of Athletic Control ang lahat ng mga plano at proyekto ng Department of Physical Education upang masiguro ang tagumpay ng mga ito sa hinaharap.
Noong Hulyo 1933, hinikayat ni Tomas Barba, physical director ng naturang departamento, ang mga Tomasino na tangkilikin ang mga programang pang-atletika ng Unibersidad at lumahok sa darating na intramurals.
Bukod pa rito, hinimok din niya ang mga mag-aaral na bisitahin at gamitin ang bagong swimming pool ng Unibersidad bilang ehersisyo sa kanilang katawan.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang naging matagumpay sa parehas na larangan ng arkitektura at interior design?
Si Leticia Sablan-Limpo, nagtapos ng Bachelor of Science in Architecture noong 1952, ay isa sa mga nagtaguyod ng interior design bilang propesyon hindi lamang sa Unibersidad kung hindi pati na rin sa bansa.
Pinangunahan niya ang pagbabanghay ng interior design bill sa kongreso at senado na nagsasaad ng mga probisyon ukol sa pagpa-practice ng interior designing sa bansa.
Hindi kalaunan, noong Pebrero 1998, pinagtibay ang naturang bill at kinilala bilang Philippine Interior Design Act.
Nakasaad sa naturang batas ang paglalapat ng mga alituntunin at pagtitibay sa interior design bilang isang propesyon. Binuo rin ang Board of Interior Design na mangangasiwa sa licensure at practice ng professional interior designers sa bansa.
Bukod pa rito, inilapit ni Limpo sa Commission on Higher Education (CHEd) ang mungkahi na tawaging Bachelor of Science in Interior Design ang dating kursong Bachelor of Fine Arts major in Interior Design na naging daan sa pagkakaroon ng standard curriculum ng naturang kurso.
Noong 1998, si Limpo ay ginawaran ng titulong Fellow ng PIID, ang pinakamataas na pagkilala sa mga interior designer sa bansa, ng PIID. Kinilala din siya bilang Outstanding Professional of the Year in the Field of Interior Design ng Professional Regulation Commission noong 2000.
Sa kasalukuyan, patuloy na ipinapamalas ni Limpo ang kaniyang galing sa parehong larangan ng arkitektura at interior design.
Tomasalitaan
Urong (PND)-pagliligpit o paghuhugas ng pinagkainan
Hal.: Tahimik siyang nag-uurong sa kusina nang may kalabog siyang narinig mula loob ng kuwarto ng kaniyang ina.
Mga sanggunian:
The Varsitarian: Tomo V, Blg. 7, Mayo 1, 1932
The Varsitarian: Tomo V, Blg. 8, Mayo 16, 1932
The Varsitarian: Tomo V, Blg. 9, Hunyo 2, 1932
The Varsitarian: Tomo VI, Blg. 2, Hulyo 1, 1933
TOTAL Awards 2009 Souvenir Program 28 February 2009, UST Plaza Mayor