06 Agosto 2013, 10:37 p.m. – DALAWANG Tomasino ang nanguna sa nakalipas na Physical Therapy (PT) licensure examinations, habang bahagya namang bumaba ang marka ng Unibersidad sa Occupational Therapy (OT) board exams.
Pinangunahan nina Phoebe Dawn Evangelista at Jerome Delfin Paguyo ang limang Tomasino sa top 10 ng PT boards matapos parehong makamit ang unang pwesto ng may 86-porsiyentong marka. Noong nakaraang taon, dalawang Tomasino ang napabilang sa top 10.
Ayon sa datos mula sa Professional Regulation Commission (PRC), nagtala ng 95.74-porsiyentong passing rate ang UST ngayong taon. Sa 47 na Tomasino na kumuha ng pagsusulit, 45 ang pumasa. Mas mataas ito kumpara sa 88.76-porsiyentong passing rate noong 2012.
Kabilang sa mga bagong Tomasinong physical therapists ay sina Eileen Diane Caadan na nakamit ang ikalimang puwesto (83.90 porsiyento), Ken Erbvin Sosa sa ikawalong puwesto (83.25 porsiyento), at Shane Chug sa ikasiyam na puwesto (83.10 porsiyento).
Bigong makapasok ang Unibersidad sa listahan ng mga top-performing schools sa PT board exams. Noong nakaraang taon, hinirang ang UST bilang pangalawang top-performing school. Muling hinirang ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na top-performing school para sa taong ito matapos makakuha ng 95.24-porsiyentong passing rate.
Bahagya namang bumaba ang national passing rate sa 52.28 porsiyento (355 mula sa 679) kumpara sa 53.05 porsiyento (506 mula sa 984) noong nakaraang taon.
Samantala, bahagya namang bumaba ang passing rate ng Unibersidad sa OT board exams matapos itong makakuha ng 58.33-porsiyentong passing rate (28 mula sa 48), kumpara sa 60.53 porsiyento (23 mula sa 38) noong 2012.
Walang Tomasino ang hinirang na topnotcher para sa taong ito. Wala ring paaralan ang kinilalang top-performing school ng PRC.
Ayon sa pamantayan ng PRC, kailangang makapagtala ang isang paaralan ng 80-porsiyentong passing rate ng may minimum na 50 na mag-aaral na kukuha ng pagsusulit bago ito mapasama sa listahan ng mga top-performing schools.
Bumaba rin ang national passing rate sa 42.67 porsiyento. Mas mababa ito sa 43.75 porsiyento noong nakaraang taon. J. C. R. Obice