25 Agosto 2014, 9:55 p.m. – MULING nakiisa ang mga Tomasino sa isang protesta kontra sa “pork barrel” at Disbursement Acceleration Program (DAP), isang taon makalipas ang tinaguriang “Million People March.”

Kasama sa humigit-kumulang 5,000 katao na nagmartsa mula Taft Avenue hanggang Luneta kaninang hapon ang mga Tomasino na pinangunahan ng Central Student Council (CSC) at Office of Student Affairs.

Ayon kay Ina Vergara, pangulo ng CSC, ang martsa ay pagpapahayag ng pagkadismaya ng mga Tomasino sa usapin ng pork barrel, DAP at korapsyon sa bansa. “As [Thomasians], we fight for Veritas, we fight for truth. We fight for financial stability and transparency in the government,” aniya.

Sinusuportahan ng Unibersidad ang ganitong adhikain para sa ikabubuti ng pamahalaan, ayon kay Evelyn Songco, assistant to the Rector for Student Affairs.

“It’s important that the students register their sentiments regarding issues like the pork barrel,” aniya.

Ang kampanya, na sinabay sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, ay tinaguriang “Stand Up, Sign Up Against All Forms of Pork!” at pinamunuan ng ng #AbolishPork Movement.

Dumalo rin ang mga mag-aaral ng Faculty of Civil Law at Arts and Letters, UST Theological Society, UST Yellow Jackets, mga kilusan ng kabataan tulad ng League of Filipino Students at Youth Act Now, pati na rin ang mga grupong Anakbayan, Anakpawis, Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, Gabriela at Kabataan.

Inilunsad sa protesta ang sign-up drive para sa People’s Initiative Movement na naglalayong makapaglathala ng isang batas kontra pork barrel at DAP. Tinatayang 6,000 na ang bilang ng mga pumirma. Aabutin hanggang sa katapusan ng taon ang kampanya para malikom ang kailangan na anim na milyong pirma.

Kasama sa protesta ang mga estudyante ng University of the Philippines, Ateneo de Manila, De La Salle University, Polytechnic University of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, San Beda College at St. Scholastica’s College-Manila. Dayanara T. Cudal at Arianne F. Merez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.