ANG TUNAY na misyon ng mga Tomasino ay maging tulad ni Kristo Hesus upang baguhin ang lipunan.
Ito ang mensahe ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), Arsobispo Socrates Villegas, sa mga Tomasino sa taunang Misa de Apertura noong ika-3 ng Agosto sa simbahan ng Santisimo Rosario.
“The product of UST should be another Christ, and should engage in social transformation,” aniya sa pambungad na Misa sa pagbubukas ng bagong taong akademiko. “The product of UST must be saints.”
Ayon kay Villegas, ang UST bilang Katolikong Pamantasan ng Pilipinas ay hindi dapat dumagdag sa mga problema ng lipunan patungkol sa korupsiyon, kasinungalingan, kapabayaan at kasamaan.
Dagdag pa ni Villegas, ang taong maraming alam ay maituturing na walang pinag-aralan kapag nawalan ng “pakialam, pakiramdam at hiya.”
“The Holy Spirit is not a spirit of indifference, the Holy spirit is a spirit of courage, the Holy Spirit operates in the lives of men and women, and we who work and study in this institution of higher learning, this Catholic University of the Philippines must contribute to the transformation of society,” ani Villegas.
Sa pagtatapos ng Banal na Misa, opisyal na idineklara ni Villegas, ang arsobispo ng Lingayen-Dagupan, na bukas na ang taong akademiko 2015-2016.
Sinundan ang Misa ng Discurso de Apertura, na binigkas ng dekano ng College of Rehabilitation Sciences (CRS) na si Cheryl Peralta.
Tinalakay ni Peralta ang kalagayan ng mga may kapansanan at ang kaugnayan nito sa kahirapan sa bansa.
Ayon sa kanya, ang bansa ay hirap na tugunan ang pangangailangan ng mga taong may kapansanan sa apat na pangunahing dahilan: kakulangan ng serbisyo, pondo, transportasyon at kaalaman ng mga health workers.
Upang solusyunan ang mga suliranin, isinasagawa ng CRS sa ang “libREHAB,” isang community rehabilitation program. Alhex Adrea M. Peralta at Kathryn Jedi V. Baylon