(Litrato mula sa Facebook page ni Vim Nadera)
31 Agosto 2015, 3:30p.m. – ISANG Tomasino ang tumanggap ng
prestihiyosong “Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas” (Gawad Balagtas)
para sa kaniyang kontribusyon sa larangan ng tula at pagpapalaganap ng
panitikan sa bansa.
Iginawad kay Victor Emmanuel Carmelo “Vim” D.
Nadera Jr., dating patnugot ng Varsitarian at nagtatag ng taunang parangal
pampanitikan nito na Gawad Ustetika, ang Gawad Balagtas para sa Tulang
Filipino, kaalinsabay ang ika-41 na Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa
Pilipinas (UMPIL) noong ika-28 ng Agosto sa Ateneo de Manila.
Mula 1988, ginagawaran ng UMPIL ang mga Filipino na malaki
ang naiambag sa pagpapayabong at pagpapalaganap ng panitikan sa iba’t ibang
kategorya at wika katulad ng Ingles, Hiligaynon, Iloko, Filipino at Cebuano.
Kilala si Nadera bilang tagapasimuno ng Poetry Therapy sa bansa. Ito ang paggamit ng pagtula bilang tulong
medikal sa mga pasyenteng may kanser at AIDS, at maging sa mga inabusong kababaihan
at mga batang lansangan.
Siya rin ang pinakabatang makata na hinirang na Makata ng
Taon noong 1985 ng dating Surian sa Wikang Filipino (ngayon ay Komisyon sa
Wikang Filipino). Nagkamit din siya ng Carlos Palanca Award for Literature para
sa kaniyang tulang “Labinglima lamang” noong 1992.
Taong 1985 nang pasimulan ni Nadera ang Gawad Ustetika na
naglalayong makapagtanghal ng mga Tomasinong mag-aaral na may angking kagalingan
sa pagsulat ng panitikan.
Taong 1986 nang magtapos si Nadera ng Psychology. Noong
1996, nagtapos siya ng master’s sa Psychology, cum laude, sa UST.
Kabilang sa mga ginawaran ng Gawad Balagtas sina: Crisostomo
Balairos, Kathang Hiligaynon; Nemesio Baldesco Sr., Tulang Waray; Rafael
Banzuela Jr., Tulang Bikol; Marcelo Geocallo, Kathang Cebuano; Susan
Lara, Kathang Ingles; Linda Lingbaoan, Kathang Iloko; Yen
Makabenta, Sanaysay sa Ingles; Danton Remoto, Tulang Ingles at Rody Vera,
Dramang Filipino. Jasper Emmanuel Y. Arcalas