October 13, 2015, 4:04p.m. – BILANG paghahanda para sa Kongreso sa Intelektuwalisasiyon ng Wikang Filipino sa 2016, idinaos ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang “Forum para sa pagtuturo ng agham at matematika sa Filipino: mga hamon, karanasan at tugon” sa Civil Law Auditorium noong ika-8 ng Oktubre.

Ilang mga propesor ang humagikhik nang tanungin sila ng isang kapita-pitagang dalubguro kung ano ang salin ng mga siyentipikong salitang solid, liquid at gas. “Ako mismo, natigilan ako nang nag-iisip ako kung ano ang salitang Pinoy para sa solid, liquid at gas,” ani National Academician Fortunato Sevilla III, professor emeritus ng UST, sa harap ng higit 70 na propesor.

Kawalan ng tuwirang salin ng mga termino sa agham at matematika ang nakikita ni Sevilla at ng iba pang mga guro na pangunahing hadlang upang matiwasay na maituro ang mga ito sa wikang Filipino. “Nahihirapan ang mga guro sa pagtuturo dahil watak-watak at kaniya-kaniya ang mga guro sa pagsasalin sa wikang Filipino,” ani Sevilla.

Batid din ito ni Queena Lee-Chua, dalubguro mula sa Ateneo de Manila, sa pagtuturo ng matematika sa wikang Filipino. Ngunit hindi na dapat pilitin ang pagsasalin ng mga teknikal na termino sa wikang Filipino dahil hindi ito ang likas na wika ng matematika, aniya.

“Hindi likas ang ating wika para sa teknikal na bagay. Huwag natin puwersahin. Dapat maging katulong ang Filipino sa pag-unawa sa agham at matematika, hindi sagabal. Tanggapin ang Taglish na pagtuturo—Ingles para sa teknikal na konsepto at Filipino sa pagpapaliwanag,” ani Lee-Chua.

Mungkahi naman ni National Academician Jose Maria Balmaceda, dekano ng Kolehiyo ng Agham sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, na magkaroon ng mas maaayos na aklat pang-agham at matematika sa wikang Filipino pati na rin ang isang talasalitaan o talahulugan ng mga teknikal na termino.

Ngunit para kay National Artist Virgio Almario, tagapangulo ng KWF, hindi dapat ang tuwirang pagsasalin sa Filipino ng mga siyentipiko at teknikal na termino mula Ingles ang bigyang-pansin, kung hindi ang pamamaraan ng pagtuturo ng mga asignatura sa klase.

“Akala lang nila na kapag gumagamit ka ng English terms ay nagiging Taglish na. Ang Taglish talaga `yung kinakapos ka sa paggawa ng isang complete sentence in Filipino at nilalagay mo na `yung English. `Yung kanila hindi e. Terms na hindi tina-translate pero pinapaliwanag in Filipino, `yun talaga ang paraan,” ani Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

“Ang ating ine-encourage ay `yung mas praktikal na paraan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo. Hindi `yung wika ng pagsasalin,” aniya.

Dagdag ni Almario, maiuugat ang suliraning ito sa kasaysayan ng pagpapaunlad ng wikang Filipino sa bansa. Aniya, mas pinagtuunan ng pansin ng mga tagasulong ng wika noon ang tuwirang pagsasalin ng mga siyentipikong termino sa Filipino.

“Masyadong ginawa ng mga proponents ng wika, puro translation lahat, kaya gumawa sila ng kani-kaniyang mga dictionary na wala namang gumamit. Kaya nahinto ang language cultivation,” aniya.

Sinasang-ayunan din niya ang pagkakaroon ng isang estandardisadong talahulugan o glossary ng bawat larangan upang magkaroon ang mga dalubguro ng gabay sa pagtuturo.

“Kung makakabuo ang bawat discipline ng glossary tapos ang glossary na ito ay ikukumperensiya, [halimbawa] ‘Tayong mga chemist ito ang ating glossary,’ mas mabilis iyon, mas sistematiko,” ani Almario.

Ang Kongreso sa Intelektuwalisasiyon ng Wikang Filipino ay gaganapin sa Buwan ng Wika 2016. Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.