ANO ANG pagkakapareho nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Heneral Antonio Luna at Francisco Baltazar?

Manunulat silang lahat subalit hindi kinikilalang bayani ng ating bansa ang isa sa kanila.

Para kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining, karapat-dapat lamang na hirangin si Francisco Baltazar, o mas kilala bilang Balagtas, bilang isang bayani ng Filipinas dahil wala pa ni isang bayaning kinikilala ang bansa na “hindi nagpakamatay [o] hindi namuno ng rebolusiyon, pero ginamit ang kaniyang talino para mag-ambag ng isang likhang sining o likhang pambansa.”

“[Marapat maging bayani si Balagtas] para maisip ng mga tao na puwede palang maging bayani ang isang manunulat,” ani Almario sa isang personal na panayam sa Varsitarian. “Lahat kasi ng mga bayani natin [ay] martir, pulitiko, heneral. Wala tayong bayani na full-time writer.”

Dagdag pa niya, “part-time writer” lamang diumano ang ilan sa mga kinikilalang bayani natin ngayon tulad nina Rizal at Bonifacio at tanging si Balagtas lamang ang tinuon ang buong buhay sa pagsusulat at iniakda ang awit na Florante at Laura na naging inspirasiyon nina Rizal, Bonifacio at Apolinario Mabini.

“Bukod pa roon, ang Florante at Laura ay naging simbolo ng pag-ibig sa bayan,” ani Almario. “Ito ang unang naging simbolo ng pagsulat para sa bayan kaya sina Rizal, hanggang kay Apolinario Mabini, ay nagpahayag ng paghanga sa Florante at Laura,” ani Almario.

Plano ng Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na isulong ang kampanyang ito sa pamamagitan ng paghimok sa mga Filipino na makilahok sa kanilang layunin at himukin din ang Pangulo ng Filipinas na bigyang-pansin ang nasabing pagpapahalaga kay Balagtas.

“[Kailangang] kumbinsihin ang presidente at gumawa ng executive order,” aniya. “Kailangan ng ingay at kampanya. Kailangan mabanggit ng mga manunulat kung bakit si Balagtas ay hindi nagiging bayani.”

Bayani o makabayan?

Ayon kay Augusto de Viana, historyador at tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan ng Unibersidad, may pagkakaiba ang isang bayani at patriot o makabayan.

“Nationalism is different from patriotism,” ani De Viana..”A hero is a nationalist while a patriot is something higher than a nationalist. You don’t have to die to be a hero. But to become a patriot is to lose everything including your life, willing to endure extreme hardships. It is the conviction that can make a patriot different from a hero.”

Dagdag pa niya, “A patriot inspires a hero. He is usually the first hero. Heroes follow the patriots.”

Alinsunod sa ganitong konsepto, para sa historyador, hindi nabibilang si Balagtas sa alinman sa dalawang kategorya.

Paliwanag ni de Viana, kailangan tandaan na isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura base sa kaniyang karanasan ng kabiguan sa pagmamahal na nagkaroon na lamang ng iba’t ibang interpretasiyon sang-ayon sa pananaw ng nakabasa nito.

“Balagtas is a literary genius but he is not a hero, although he was a victim of Spanish oppression. Just because he fell in love with a woman he cannot have, he was put into prison,” ani de Viana. “He composed a play [but] it did not cause a revolution [and] it did not form the Katipunan. It was just a source of entertainment which the Spaniards liked.”

Inilimbag ang Florante at Laura noong 1838 ilan tinutuligsa ang pagkaluklok ni Reyna Isabela II, ang unang anak ni Haring Ferdinand VII, sa trono ng Espanya dahil ayon sa batas ng bansa hindi maaaring mamuno ang isang babae. Kinaayawan ng mga Carlista noon ang pagkaluklok niya dahil ayaw nilang mapasailalim sa kapangyarihan ng isang babae. Ngunit giit ni Haring Ferdinand VII, mas namamayani ang dugo kaysa sa kasarian sa pamumuno sa kaharian, kaya natuloy ang pagkaluklok ni ng reyna. Nagsagawa naman ng rebelyon ang mga tumituligsa kay Reyna Isabela II na tinaguriang “Glorious Rebellion” na nagtagumpay kalaunan sa pagpapatalsik sa reyna at nagbigay-daan sa pagkaluklok ni Haring Amadeo I.

“It [Florante at Laura] had a hidden message for the Filipinos, [that] we are oppressed but soon we will win. [As] for the Spaniards, their queen is being oppressed but she will [reign] in the end. Florante at Laura causes a double vision for the Filipinos and another for the Spaniards that is why both the Filipinos and the Spaniards acclaim him, although for different reasons,” wika ni de Viana.

Mga bayani ng Filipinas

Ayon sa National Commission for the Culture and the Arts (NCCA), bagaman ipinagdiriwang ang araw ng mga bayani at araw ng kamatayan ng ilan sa mga ito, walang opisiyal na hinirang na pambansang bayani o mga bayani ang Filipinas.

Ayon sa ahensiya, walang batas o panukalang ipinasa na siyang nagtatalaga kina Rizal, Bonifacio, Luna at Mabini na mga bayani ng ating bansa.

Wala ring legal na basehan ang pagturing kay Rizal na pambansang bayani. Walang batas na nagsasaad na siya ang pambansang bayani. Tanging pagbibigay-pugay lamang ang pagtanaw natin sa kaniyang kadakilaan at ambag sa lipunang Filipino.

Sa kabila nito, kinikilala ng mga Filipino ang mga natatanging ambag ng mga bayani sa kasaysayan at pagbabagong panlipunan kagaya ng pagkilala sa mga pambansang simbolo na naging bahagi na ng ating kultura sa pamamagitan ng pagdiriwang ng araw ng kanilang pagkamatay at araw ng mga bayani, ayon sa NCCA.

Gayunpaman, alinsunod sa Executive Order No. 75 ni dating pangulong Fidel Ramos, nilikha ng gobyerno sa ilalim ng Office of the President ang National Heroes Committee na siyang magtitiyak at magtatalaga ng mga bayani ng bansa.

Ayon sa alituntunin na inilahad ng nasabing komite noong 1993, kailangang mayroong ang isang bayani ng “concept of nation” na siya namang naglalayong ipaglaban ang kasarinlan ng bansa. Ikalawa, dapat nakapag-ambag sa sistema at pamumuhay ng malaya ng mga Filipino ang isang bayani. Panghuli, nakatulong dapat ang bayani sa pamumuhay ng kaniyang kababayan gayundin sa tunguhin at bisyon ng Filipinas.

Nadagdagan naman ang tatlong alintuntunin na ito noong ika-15 ng Nobyembre, 1995 nang muling magpulong ang National Heroes Committee.

Ang mga sumusunod ang tatlong kuwalipikasiyon na dinagdag: Una, kailangan naging bahagi ng pamamahayag ng mga mamamayan ang buhay at gawa ng isang bayani; panagalawa, iniisip ng isang bayani ang hinaharap ng bansa, partikular ng susunod na henerasiyon; at pangatlo, dapat isaalang-alang ang kabuuang pinagdaanan ng isang tao bago siya maituring na bayani. Kailangang suriin kung papaano siya humantong sa pagiging bayani, hindi lamang ang pag-alala sa ilang mahahalagang yugto ng kaniyang buhay at kasaysayan.

Sang-ayon sa mga nasabing kuwalipikasiyon, siyam na Filipino ang nirekomenda ng komite upang maideklara bilang pambansang bayani: Rizal, Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Mabini, Marcelo H. Del Pilar, Sultan Dipatuan Kidarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.