BILANG simbolo ng pagsisimula ng buhay Tomasino, nagmartsa ang 7,915 na bagong mag-aaral ng Unibersidad sa ilalim ng makasaysayang Arch of the Centuries sa taunang Welcome Walk.

Ayon sa datos ng Office of the Registrar, 2,957 na mag-aaral ay freshmen sa kolehiyo at 4,958 naman ay mula sa bagong bukas na UST Senior High School (SHS).

Ang Graduate School ang nagtala ng pinakamalaking bilang ng freshmen na pumatak sa 1,021. Pumangalawa ang Fakultad ng Medisina sa bilang na 481.

Tig-460 na bagong mag-aaral naman ang pasok sa Fakultad ng Parmasiya at Fakultad ng Derecho Civil.

Noong umaga, nanguna ang SHS sa seremoniyal na pagtawid sa arko. Sinundan ito ng Misang pinamunuan ng Bise Rektor P. Richard Ang, O.P. sa Quadricentennial Pavilion.

Sa kaniyang homiliya, hinimok ni P. Ang ang mga mag-aaral sa SHS na sulitin ang pagkakataon bilang mga bagong Tomasino.

“Uncover, discover, and take hold of this golden opportunity. This campus is yours to explore and to learn from,” ani P. Ang.

Mga bagong mag-aaral mula sa junior high school, mga fakultad at kolehiyo, at Graduate School naman ang tumawid sa arko pagdating ng hapon.

Sinundan ito ng Banal na Misa para sa paggunita ng kapistahan ni Santo Domingo, na pinangunahan ni Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P.

Taong 2002 nang simulan ang tradisyong Welcome Walk, kung saan tumatawid sa makasaysayang arko sa harap ng Kalye España ang mga bagong Tomasino.

Ang Arch of the Centuries ay nagsilbing lagusan ng lumang gusali ng Unibersidad sa Intramuros, Maynila (nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig), na dinaanan ng mga bayani at santong Tomasino.

Isa-isang inilipat ang mga bato ng lagusan mula Intramuros patungo sa kasalukuyang kinatatayuan nito sa Sampaloc, hanggang pasinayaan ang arko noong 1954. Hannah Rhocellhynnia H. Cruz at Maria Crisanta M. Paloma

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.