SA EDAD na 66, pumanaw ang retiradong propesor sa teolohiya na si Victoria Esma noong ika-7 ng Agosto sa sakit na kanser sa obaryo.

Nakilala si Esma sa kaniyang isinulat na libro sa teolohiya na “Salva Vida.” Noong 2008, naging bahagi ito ng “400 Books at 400!”, ang proyekto ng UST Publishing House para sa pagdiriwang ng quadricentennial ng Unibersidad.

Taong 1982 nang magsimula siyang magturo sa Institute of Religion at sa College of Commerce and Business Administration. Nagsilbi rin siya bilang tagapangulo ng komite sa relihiyon.

Matapos ang 33 taon ng pagtuturo sa Unibersidad, nagretiro si Esma noong Mayo 2015.

Nagtapos siya ng bachelor of science in education, major in religious education and minor in English sa Notre Dame University sa lungsod ng Cotabato noong Marso 1974. Nagkamit siya ng masterado sa teolohiya sa UST noong Marso 2005.

Ayon kay Catalina Lituañas, katuwang na direktor ng Religion, ang namayapang propesor ay isang maalalahanin at matulunging kasamahan.

“As a colleague, very thoughtful [siya], kasi pag may mga occasion, hindi siya nakakalimot. She’s a jolly person. Palaging ready siya to smile and greet everybody,” ani Lituanas sa isang panayam sa Varsitarian.

Sa isang pahayag naman na inilathala sa kanilang Facebook page noong ika-8 ng Agosto, nagpasalamat ang konseho ng mag-aaral sa Komersiyo sa paglalapit ng yumaong propesor sa mga estudyante kay Kristo.

“Ma’am Victoria Esma has been more than just a professor to thousands of students, imparting lifelong values and bringing us closer to Christ through her service of delivering religious instruction and lectures,” ayon sa Facebook post.

Ang kaniyang mga labi ay inihimlay sa Everest Hill sa lungsod ng Muntinlupa noong ika-11 ng Agosto.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.