Sunog sumiklab sa Kalye Dapitan

0
3496
Inaapula ng mga bumbero ang nasusunog na compound sa kanto ng Kalye ng Antonio at Dapitan, Martes ng hapon. | Kuha ni Michael Angelo M. Reyes/The Varsitarian

NILAMON ng apoy ang isang compound sa kanto ng Kalye Antonio at Dapitan sa likod ng Unibersidad, Martes ng hapon.

Limang bahay ang naapektuhan ng apoy na hinihinalang nagmula sa isang pumalyang bentilador na naabutang umuusok ng isang residente.

“Naabutang umuusok ang ginamit na electric fan ng isa sa mga residente ng compound na si Roberto Santiago, 76-anyos, na, ayon sa kaniya, ay kapapagawa lamang nila,” ani Sr. Insp. Redentor Alumno ng Manila Fire District, sa isang panayam sa Varsitarian.

Idineklarang naapula ang apoy ala-sais ng gabi. Naitala ang unang alarma bandang alas-kuwatro ng hapon. Umabot ito sa ikalawang alarma matapos lamang ang dalawang minuto.

Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang gusali sa compound na pagmamay-ari ng pamilyang Kimpo.

Ayon sa isang residente, kumalat agad ang apoy sa mga katabing bahay.

“Sa tingin ko, faulty electrical wiring [ang dahilan] kasi nagpunta ako sa likod at ang nakita kong nasusunog, ‘yung kisame,” ani Jun Siongco, 61, sa isang panayam sa Varsitarian.

Tinatayang P450,000 ang halaga ng mga natupok na ari-arian, ayon kay Alumno.

Walang naitalang namatay o nasaktan sa insidente.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.