Panganib sa kalusugan dulot ng nagbabagong klima

0
17985

PANGKARANIWAN na para sa mga Tomasino ang biglaang pagbaha sa Espanya at mataas na sikat ng araw subalit hindi normal ang lumalalang pabago-bagong klima at ang mga sakit na hatid nito.

Matao at maraming kainan sa loob ng Unibersidad—mga posibleng dahilan ng pagiging malamok—kaya lalong dapat mag-ingat ang mga Tomasino sa mga nagbabantang sakit.

“Dengue, typhoid at flu virus ang [mga] madalas na…sakit tuwing tag-ulan,” sabi ni Dr. Razel Kawano, quality assurance manager ng Medical Trends and Technology Corp., isang medikal na organisasiyong nakatuon sa mga eksaminasiyon sa laboratoryo at pamamahagi ng gamot.

Sa mga naka-imbak na tubig naninirahan ang mga lamok na maaaring nagdadala ng Dengue. Kontaminadong tubig o pagkain at hindi sapat na paglilinis ng katawan naman ang karaniwang sanhi ng typhoid. Airborne ang flu virus kaya mahirap itong iwasan.

“Panghihina, panlalamig, lagnat, at diarrhea ang mga sintomas ng Dengue at typhoid,” ani Dr. Kawano. “Nakararanas ng pamumula at rashes ang may dengue at labis na diarrhea ang sa typhoid,” paliwanag niya.

Ingat sa baha

Maari itong magdulot ng hemorrhagic fever o pagdurugo sa loob ng katawan ng pasyente. Hindi ito agad napapansin at maaaring magsanhi ng pagkamatay kaya dapat agad komunsulta sa doktor kapag may naramdamang sintomas.

Delikado rin ang malalang pagbaha sapagkat maaring makakuha ng sakit na ketong mula sa mga inaanod na dumi ng daga. Maaaring pumasok ang dumi ng daga sa katawan lalo na kung may sugat sa paa.

Maliban sa flu virus, laganap din sa tag-init ang mga sakit tuwing tag-ulan. Kapag tag-init, mas mabilis dumami ang mga lamok na maaaring magdala ng dengue. Mas mabilis ding mapanis ang pagkain na maaari namang magsanhi ng typhoid.

Epekto naman ng matagalang pagbibilad sa araw at hindi regular na pag-inom ng tubig ang heat stroke. Nagpapataas kasi ng presyon at nagpapabilis ng tibok ng puso ang init. Isa ito sa nagsasanhi ng atake sa puso at pagputok ng ugat sa utak na delikado at nakamamatay.
Iminungkahi ni Dr. Kawano ang palagiang pag-inom ng tubig at pag-iwas na magbilad sa araw.

Nagbabagong klima

Sa climate change, bumibilis at tumitindi ang pagpapalit ng panahon. Sa bilis ng pagbabago, nahihirapan ang katawan ng tao na umangkop sa kalikasan kung kaya’t lumalala at bumibilis ang paglaganap ng mga sakit. Nagdudulot din ito ng mga bagong sakit.

Malaki ang papel ng klima sa paglala ng mga banta sa kalusugan. Salik din ito sa paglitaw ng bagong mapanganib na mga species tulad ng Zika virus na wala pang nahahanap na lunas, ani Professor Moises Garcia, Ph. D., isang environmentalist at propesor sa College of Accountancy ng Unibersidad.

Ang pagkalbo sa mga gubat at ang kawalan ng disiplina sa kapaligiran na siyang nagbigay-tahanan sa mga lamok na nagbitbit ng sakit ang naglapit ng Zika virus sa mga tao.
May kinalaman rin sa lalong pag-init ng klima ang kawalan ng puno sa mga lungsod.

“Mas mainit na klima, mas maraming lamok, na maaaring [maging mga] vector,” sabi ni Garcia.

Matuturing na vector ang lamok kapag nakasipsip ito ng dugo mula sa taong may sakit tulad ng dengue o Zika virus fever, sapagkat dadalhin ng lamok ang sakit sa susunod nitong sisipsipan ng dugo.

Babala

Nakaayon rin sa panahon ang pagdayo ng mga ibon mula sa ibang bansa patungo sa Filipinas. Kung minsan, ang mga ibon ding ito ang nagdadala ng sakit, tulad ng bird flu.
Ayon sa datos ng World Health Organization, tinatantiyang 20 taon makalipas ang taon 2030, magiging sanhi ng humigit-kumulang 250,000 ang mamamatay kada taon dahil sa pagbabago ng klima.

Sa pakikiisa ng mga Tomasino laban sa climate change at karagdagang disiplina at kaalaman sa kapaligiran, mabibigyang-solusyon ang pamiminsala ng mga napapanahong sakit lalo na sa panahon ng nagbabagong klima ng daigdig, dagdag pa ng mga eksperto.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.