SANGKATUTAK na plastic straw ang tinatayang itinatapon kada araw at marami rito, hindi naman sumasailalim sa recycling. Kaya ang resulta, bumabara sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig.
Seryoso ang problema kaya minabuti ng Central Student Council (CSC) na gumawa ag maliit na hakbang; hinikayat nila ang mga Tomasinong gumamit na lang ng metal straw.
“Giving away free metal straws is just a first step to lessening the carbon footprint in our society,” wika ni Nina Pasno, dating sekretarya ng CSC, makaraang ilunsad ang proyektong #USTrawless: Towards a Plastic Straw- Free University noong ika- 26 ng Mayo.
Layunin ng proyektong ito na palawakin ang kaalaman at kamalayan ng publiko tungkol sa paggamit ng mga plastik na materyal at tuluyang mahikayat ang mga kabataan na gumamit ng alternatibo na mas makabubuti para sa kalikasan.
Madalas na ginagamit ng mga mag-aaral sa mga kainan ang plastic straw subalit isang malaking banta sa kalikasan ang patuloy na paggamit nito.
Gawa sa isang uri ng plastik na tinatawag na propylene, kombinasyon ng hydrocarbon ang plastic straw na araw- araw na nakikita sa basurahan kasama ang iba pang mga basurang plastik.
Bukod sa malubhang epekto nito sa kapaligiran kagaya ng pagbabara sa mga kanal na nadudulot ng baha sa kalsada, isa rin ito sa mga nakaaapekto sa mga organismong naninirahan sa mga anyong tubig ng bansa.
“Providing metal straws to the Thomasian community is a small step towards change, but the one who’ll make it ‘big’ would be their consistent participation on the change that we’ve started,” wika ni Romulo Terrado, dating awditor ng CSC.
Ayon sa dating mga opisyal, umaasa silang magsilbing paalalaang kanilang pinamigay na 500 metal straws na “wala namang mawawala sa kanila kung magsasakripisyo sila nang kaunti para sa kaligtasan ng kalikasan.”
“It’s a simple act of kindness and stewardship to our environment,” wika ni Terrado.