ISANG makabagong camera na ipinapakita ang proseso ng pagsusuri o dissection ng katawan ng tao, isang eight-camera system na kayang suriin ang bawat paggalaw at instrumento sa paggawa ng syrup at iba pang klase ng gamot.

Matatagpuan lahat ng ito sa bagong UST Central Laboratory na itinayo malapit sa P. Noval gate ng Unibersidad.

Dito inilipat ang mga laboratoryong dating nasa Main Building mula pa noong 1928. Mayroon ngayong 40 laboratoryo sa walong palapag na gusali.

“Ito ang problema sa Main Building. Dahil sa angkin nitong kasaysayan, hindi tayo maaaring mag- expand o magtayo pa ng mga panibagong laboratory,” ayon kay Ross Vasquez, administrador ng Laboratory Equipment and Supplies Office (LESO).

Bawat kurso ay may lugar sa Central Laboratory, wika niya.

Sakop ng Pharmacy ang ikalawa, ikatlo at ikaapat na palapag ng gusali. Dito matatagpuan ang Manufacturing and Dosage Forms Laboratory kung saan sinasanay ang mga mag-aaral ng Parmasya sa paggawa ng iba’t ibang anyo ng mga dosis ng gamot.

Tampok sa laboratoryong ito ang Brookefield Viscometer, isang aparato na sumusukat sa lapot ng isang likido. Mahalaga ito sa paggawa ng mga gamot.

“Bago na ‘yong environment, maayos na rin ‘yong mga gamit,” wika ni Ernesto Gutierrez, isang laboratory technician ng Department of Biochemistry.

Ipinakita niya sa Varsitarian ang mga cubicle sa loob ng mga laboratoryo na nakalaan para sa mga pananaliksik o thesis ng mga estudyante.

Ilan pa sa mga laboratoryo ng Fakultad sa naturang gusali ang Pharmaceutical Chemistry, Physiological Pharmacy at Chemistry sa ikaapat na palapag, Quality Control, Biochemistry, Pharmaceutical Biochemistry sa ikatlong palapag, at Biochemistry at General Chemistry sa ikalawang palapag ng gusali.

Saklaw naman ng mga laboratory ng College of Science ang ikalima hanggang ikapitong palapag.

Sa ikaanim na palapag ng gusali matatagpuan ang mga laboratoryong nakalaan para sa iba’t ibang aspeto ng kimi katulad ng Inorganic and Organic Chemistry, Biochemistry, at Analytical Chemistry.

Nakalaan para sa iba’t ibang laboratoryo ng Biology ang ikalimang palapag.

Tulad ng Pharmacy, nakahiwalay din ang silid para sa tesis at leksyon,ayon kay Ilano Rasonada, isang laboratory technician galing sa kolehiyo.

Samantala, saklaw ng College of Rehabilitation Science ang kabuuan ng unang palapag.

“Nilalaman ng mga pasilidad na ito ang mga makabagong kagamitan para sa pagtuturo at pananaliksik,” sabi ni Cheryl Peralta, ang dating dekana ng kolehiyo sa isang panayam sa Varsitarian. “Isa sa mga ito ay ang Anatomy Laboratory kung saan pinangangalagaan at pinag-aaralan ang mga cadaver.”

Nilalaman nito ang isang projection camera na nagpapakita ng live presentations ng proseso ng dissection at pagsusuri ng mga bahagi ng katawan ng tao.

Laman naman ng Speech Language Laboratory ang mga kagamitan para sa pagsusuri ng problema sa pandinig at pananalita. Kasama rito ang computerized speech lab system, nasometer, audiometer at tympanometer.

Sa Human Performance Laboratory ng kolehiyo matatagpuan ang isang eight-camera system na nagpapakita ng isang three-dimensional analysis ng paggalaw ng isang tao.

“Naipapakita rin nito ang kilos ng ating mga kalamnan,” sabi ni Peralta.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.