Shrimp diagnostic kit, mas pinainam ng dalubguro ng agham

0
2618
Inilalahad ni Prop. Mary Beth Maningas ang kaniyang presentasiyon ukol sa kalusugan ng mga hipon sa isang kumperensya noong nakaraang taon. (Photo courtesy: Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development)

HIGIT na pinaunlad ni Prop. Mary Beth Maningas ng College of Science ng Unibersidad ang shrimp virus diagnostic kit na naglalayong tukuyin ang mga sakahan ng hipon na positibo sa sakit na White Spot Syndrome Virus (WSSV) at Acute Hepatopancreatic Necrosis Disease (AHPND).

Ayon kay Maningas, ang mga hipon na may WSSV ay nagdudulot ng 100 porsiyentong mortality rate at nagsasanhi ng pagkamatay nito sa loob ng dalawa hanggang 10 araw. Ang virus na ito ay hindi makaaapekto sa taong kakain ng hipon.

Ang diagnostic kit o tinatawag ding Juan Amplification Detection Kit (JAmp), na una sa bansa, ay ginawa rin upang makatulong sa pagpapalakas ng industriya ng hipon sa Filipinas.

Sa pamamagitan nito, maagang matutukoy kung positibo ba ang mga sakahan ng hipon sa mga sakit at maaring magawan agad ng solusyon.

Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), ang Filipinas ay pang-labing-isa sa buong mundo sa aquaculture production.

Noong taong 2000, tinatayang kumita ang bansa ng $300 milyon sa pagluwas ng hipon subalit nabawasan nang 40 hanggang 60 porsiyento ng naging laganap ang WSSV sa mga lokal na sakahan.

Sa ulat ng FAO noong 2014, bumaba sa $120 milyon na lamang ang kabuuang kita ng bansa sa pagluwas ng hipon.

“Ikatlo ang Filipinas sa pinakamalaking bansa na nag-poprudus ng Tiger Prawn at White shrimp sa buong mundo. Subalit dahil sa pagkalat ng mga sakit bumaba ito sa ika-anim na puwesto,” ayon sa isang ulat.

Ngayong taon, ang grupo ni Maningas ay bumuo ng bagong aplikasiyon upang mas mapabilis na makita ang sintomas ng AHPND sa mga hipon na nagdudulot ng katamlayan, kawalan ng laman sa tiyan at maputlang hepatopancreas.

Ayon sa isang website post ng Department of Science and Technology noong Marso, ang AHPND ay nagdulot ng malaking pagkababa sa produksiyon ng hipon sa mga bansang Tsina, Vietnam, Malaysia, Thailand, Mexico, at kumakailan sa Filipinas, partikular na sa Bataan, Bulacan, Cebu, Bohol, Sarangani, at General Santos. Sa isang site sa Bataan, 73 na mga porsiyento ng mga bukid ang positibo sa AHPND.

Pinasimple din ni Maningas ang diagnostic kit na gumagamit lamang ng heat block loop mediated isothermal amplification (LAMP).

Ang heat block LAMP ay gumagamit ng espesyal na polymerase para madetect ang DNA o RNA ng tinutukoy na virus o bacteria.

Ayon sa saliksik, ito ay nagbibibigay ng mas mainam na resulta at hindi nangangailangan ng kontroladong temperatura gaya ng Polymerase Chain Reaction o PCR, na dating ginagamit.

Si Maningas ay isa sa mga unang nakatuklas ng AHPND sa mga hipon sa bansa.
Nakapaguwi na siya ng mga parangal tulad ng Outstanding Research Paper Award at Outstanding Research and Development Award para sa Applied Research noong ika-37 National Academy of Science and Technology Awards.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.