PINARANGALAN ang isang mananaliksik ng Research Center for Natural and Applied Sciences ng UST para sa kaniyang natatanging ambag sa pag-aaral ng katutubong halaman noong ika-12 ng Hulyo sa ika-40 Annual Scientific Meeting sa Manila Hotel.
Napili si Mario Tan, katuwang na propesor at tagapangulo ng Departamento ng Kimika ng College of Science, bilang Outstanding Young Scientist ng National Academy of Science and Technology.
Ginawaran siya sa kaniyang saliksik sa mga katutubong halamang pandan at kape sa potensiyal nitong maging gamot.
“Ang aking research ay tungkol sa pagbubuo ng panibagong compound o molecule mula sa mga natural na produkto ng halaman, partikular sa Pandanus at Rubiaceae, para malaman kung ano ang maaaring paunlarin para gawing gamot,” aniya sa isang panayam.
Ang Pandanus ay ang genus ng halamang pandan at Rubiaceae naman ang tawag sa pamilya ng mga halamang kape.
Paliwanag ni Tan, ang “total synthesis” na kaniyang ginagawa ay kagaya ng paggawa ng bahay. Unti-unti niyang hinihimay at sinasaliksik ang compounds na mayroon ang halaman at masusing pinag-aaralan kung ano ang gamit at ano pa ang posibleng madiskubre mula sa mga ito.
Dagdag sa natuklasan niya ay ang dalawang compound (Dubia Dubiusamine–A and Dubiusamine–B) na sa unang pagkakataon nakuha mula sa isang species ng pandan na maaaring mapaunlad pa at maging gamot sa sakit sa tuhod at ulo maging sa mga sakit kagaya ng tuberculosis at ketong.
Binigyang diin ni Tan ang panghihimok sa mga kapwa siyentista na pag-aralan ang mga katutubong halaman at pagibayuhin ang pagdiskubre sa mga kakayahan nito sa larangan ng parmasiya.
“Ang biodiversity ng Pandanus at Rubiacea plants sa Pilipinas ay napakayaman, subalit kakaunti lamang ang nagtatrabaho sa ganitong larangan,” wika niya.
Ang Rubiaceae na halaman ay pang-apat sa pinakamayamang flora sa bansa, at isa si Tan sa mga iilang siyentista na nagsasaliksik sa maaring pag-gamitan ng mga natural na produkto nito.
Sinimulan ni Tan ang pananaliksik sa kemikal na produkto ng pandan sa kaniyang thesis sa undergraduate at masterado sa ilalim ng gabay ni Maribel Nonato, ang bise rektor para sa agham at inobasiyon na tanyag din sa larangan ng agham bilang ang “Pandan Queen.”
Napaunlad din niya kaniyang pag-aaral sa Rubiaceae plants ng makasalamuha niya si Prop. Grecebio Alejandro, kilalang botanist at isa rin NAST awardee.
Nagkamit din si Tan ng parangal sa 2016 Novartis Next Generation Scientist Program at 2012 Talent Search for Young Scientists.
Isang taunang parangal ang Outstanding Young Scientist Award para sa mga kahanga-hangang siyentipikong may edad na 40 pababa, na tumulong sa pag-unlad ng biyolohiya, pisika, kimika, matematika, at information technology sa bansa. MIGUEL ALEJANDRO IV A. HERRERA