UST, sabay sa makabagong teknolohiya sa MyUSTe app

0
3667
File photo

NILUNSAD noong ika-14 ng Mayo ang mobile application ng myUSTe Student Portal ng Santo Tomas e-Service Providers (STePs).

Sa pamamagitan nito, makikita na ng mga mag-aaral ng UST ang kani-kanilang student profile, mga grado, class schedule, lab breakages, curriculum, course offerings at natitirang balanse.

Ayon kay Polly Blanco, katuwang na direktor para sa pagpapaunlad ng software at applications ng STePs, ginawa ang aplikasiyon upang mas mapabilis ang “pag-access” ng mga Tomasino sa kanilang impormasiyon gamit lamang ang kanilang mga telepono.

“Mas accessible na ang myUSTe Student Portal gamit ang app[lication]. Hindi na kakailanganin ang desktop o laptop at pagbisita sa mismong website sa tuwing gusto nilang mag-login,” wika ni Blanco sa isang panayam sa Varsitarian.

Ang STePs ang responsable sa pag-aasikaso ng computerized systems, network, cabling at iba pang pangangailangan sa aspeto ng information technology sa UST.

Maaaring i-download ang myUSTe Student Portal sa Google Play Store para sa mga gumagamit ng android phone o gadgets, at sa App Store naman para sa mga gumagamit ng iPhone o ibang gadgets na gawa ng Apple.

Katulad ng mga maaaring magawa sa website na bersiyon, maaari ring pamahalaan ng isang Tomasino ang kaniyang WiFi account sa Unibersidad, makita ang kaniyang mga deficiencies, makatanggap ng mga notifications at updates at mai-download ang student handbook gamit ang application.

Para kay Johannes Paul San Juan, mag-aaral sa kursong information systems sa UST, nakatutulong ang bagong application lalo na sa pagpapakita nito ng class schedule, mga grado at mga bayarin ngunit mayroon pang mga “features” na maaaring ilagay rito upang mas mapagpabuti.

“Kailangan siguro ng kaunting tweaks. May mga features na mali ang pagkaka-display at kung puwede sana, gamitin ang finger print scanner upang ma-secure iyong app[lication]. Kulang po kasi sa security option. Kung maaari [rin] sanang i-connect sa eLeAP o Cloud Campus, mas mapapaganda po siguro iyong app[lication],” wika ni San Juan sa Varsitarian.

“Nag-activate na po ako ng WiFi account by typing my password then okay na siya pero as per checking, inactive daw so hindi [pa] siya real-time- updated,” dagdag niya.

Para sa mag-aaral ng computer science na si Joshua Fuertes, mas madaling magagamit ang myUSTe Student Portal application kung “mapapabuti pa ang disensyo nito.”

“Magagamit mo rin lahat ng kakayahan ng app[lication] na ito. [N]gunit masyado itong clunky para magamit nang maigi. Hindi maganda ang ‘aesthetic’ ng disenyo nito kaya maaaring hindi maayos ang pagtakbo ng app[lication],” aniya.

Ayon sa kaniya, makabubuti raw kung magkakaroon ito ng offline mode kung saan maaari pa ring makita ng isang user ang kaniyang mga impormasiyon kahit walang internet. Beatriz Avegayle S. Timbang at Miguel Alejandro IV A. Herrera

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.