ANG PAGLALARO ng video games nang umaabot sa walo hanggang sampung oras kada araw ay maaaring sintomas na ng video gaming addiction.
Nito lang Hunyo, idineklara na itong isang mental health disorder ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Marc Eric Reyes, isang clinical psychologist at dalubguro sa College of Science, masasabing may digital o video gaming addiction ang isang tao kung umaabot sa 30 oras o higit pa kada linggo ang kaniyang paglalaro ng video games.
“May addiction ka na kung sobrang oras ang iginugugol mo sa paglalaro, at kung dahil doon ay may mga mahahalagang bagay sa buhay mo na napababayaan na, katulad ng pag-aaral, pamilya o trabaho,” wika ni Reyes sa isang panayam sa Varsitarian.
Pormal nang klinasipika ng WHO ang video gaming addiction o “gaming disorder” sa ika-labing-isang bersiyon ng kanilang International Classification of Diseases na inilabas noong ika-18 ng Hunyo ngayong taon.
Maaaring makatulong para sa isang taong may video gaming addiction ang cognitive restructuring o isang proseso kung saan susubukan siyang sanayin na makakuha ng kasiyahan at sigasig mula sa ibang gawain na madalas niyang nakukuha sa paglalaro ng video games, ani Reyes.
Ang layunin ng cognitive restructuring sa isang taong “naadik sa video gaming” ay pataasin ang lebel ng dopamine sa utak niya nang hindi nakadepende sa paglalaro lamang ng video games, sabi niya.
Ang dopamine ay isang chemical messenger sa utak na responsable sa pagkakaroon ng damdamin ng kagalakan, sigasig o pagkakaroon ng adhikain ng isang tao.
“Maaaring na-adik sila roon sa naidudulot ng paglalaro sa kanilang utak, at ito ay ang paglabas ng dopamine. Ang dopamine kasi, nagbibigay ito ng mekanismo ng gantimpala, iyong pakiramdam ng pagiging kuntento, at kasiyahan; doon sila naadik kaya kapag naglalaro sila, gumaganda ang pakiramdam nila sa kanilang mga sarili,” paliwanag niya sa wikang Ingles.
Aniya, wala pang tiyak na lunas para rito dahil kamakailan lang idineklara ito bilang isang mental health disorder.
Katulad ng mga ibang klase ng adiksiyon, isang senyales din ng video gaming addiction ay ang pagkakaroon ng “withdrawal symptom,” o sintomas na nakikita sa isang tao kapag siya ay tumigil sa paggawa ng bagay na kung saan siya ay masasabing “addicted,” sabi niya.
“Kapag tinigil mo ang paglalaro mo, maaaring nanginginig ka, may craving ka, iyong iba nagiging iritable, at may mga pag-aaral na nagsasabing ang mga pathological gamers, o iyong mga maaaring candidate ng video gaming addiction, kapag pinipigilan mong maglaro, nagagalit [sila],” paliwanag niya.
Paglilinaw niya, hindi lamang puro negatibo ang maaaring maidulot ng paglalaro ng video games, bagkus ay may ilang video games na nakabubuti sa tao dahil nagiging libangan ang mga ito.
Maaari ring makatulong sa paglinang ng kakayahan sa pagpaplano, paglutas ng mga problema at sa pagkamalikhain ng isang tao ang paglalaro ng video games.
Para sa lider ng koponang UST Teletigers na si Theo Ignacio, bagama’t karamihan sa kaniyang mga kaibigan ay naglalaan ng maraming oras sa paglalaro ng video games, wala siyang nakikitang masama sa kanilang ginagawa at hindi rin iyon nakahahadlang sa kanilang pag-aaral.
Ang UST Teletigers ay ang koponan ng mga manlalaro ng online game na League of Legends na hinirang na back-to-back na kampeon sa idinaos na best-of-five finals ng Garena League of Legends Varsity League Spring Term 2018 noong Hulyo.
“Karamihan ng mga Tomasinong manlalaro ng mga video games ay naglalaro para lang sa kasiyahan. May iilan, katulad ko na naglalaro para sa kompetisiyon sa ilalim ng eSports (electronic sports). Sigurado akong hindi na sila mga Tomasino kung sila ay mayroong ‘adiksiyon’ na nakahadlang sa kanilang pag-aaral,” wika ni Ignacio sa Varsitarian.
Base sa kaniyang karanasan, karamihan daw sa mga natutunan niyang kakayahan sa paglalaro ng video games ay nagagamit niya sa kaniyang pang-araw-araw na buhay, kagaya ng kakayahang magpuyat nang mas matagal, mas mabilis na pagdedesisyon, mas matalas na pagsusuri at kahusayan sa lohika.
Iginiit din niya na ang gaming addiction daw ay isang “maling pag-aaral ng mga matatandang hindi inaral ng mabuti ang lahat at bawat aspeto ng video games.”
“Dapat ay inaral din nila ang bawat taong naging matagumpay sa bawat video game na isinasama sa eSports upang magkaroon ng kawastuhan ang kanilang pag-aaral,” giit ni Ignacio.
Ayon kay Ignacio, ang “labis” na paglalaro ng video games ay relatibo sapagkat magkakaiba raw ang tibay ng bawat tao at kinakailangang malaman nito ang sariling limit.
Dagdag pa niya, katulad ng mga pisikal o tradisiyunal na laro na ginagawa para sa libangan, ang eSports ay isang stress reliever para sa karamihan at ang tanging hindi kagandahang dulot nito ay ang pagkakaroon ng strain sa mata at posibleng paglabo nito.
Moderasiyon, disiplina
Ayon kay Dr. Claude Fong, isang pediatrician mula sa UST, kinakailangan ng moderasiyon at disiplina sa paglalaro ng video games at paggamit ng gadgets lalo na sa mga bata.
“Upang magdulot ng kamalayan, dapat ay alam ng mga tao ang wastong dami ng oras sa paggamit ng ganiyan (gadgets). Sa mga bata, karaniwan ay sinasabi namin na limitahan lamang sa 30 minuto kada araw ang panonood ng TV, o sa paglaro ng video games,” wika ni Fong sa Ingles. BEATRIZ AVEGAYLE S. TIMBANG na may ulat mula kay HAZEL GRACE S. POSADAS