NAGSARA na ang ilang mga restawran na nagbebenta ng alak sa paligid ng Unibersidad, alinsunod sa utos ng bagong alkalde ng Maynila na si Franciso “Isko Moreno” Domagoso na pagigtingin ang liquor ban sa kapitolyo, lalo na malapit sa mga paaralan.
Sa isang panayam kay Krishtelle, empleyado ng Qanto sa loob ng Fusebox Food Hub sa Dapitan, ang nakaatang na liquor ban ay mahigit na nakaapekto sa kanilang negosyo.
“Sa ngayon, halos wala po talaga kaming customer […] may dumating, hanap [lang] alak, ‘di naman po kami makapagbigay,” ani ni Krishtelle.
Dagdag niya, pagkain na lang ang kanilang binebenta simula noong ipinatupad ang liquor ban.
Ayon naman sa manager ng Four Monkeys Bar and Kitchen na si Jheylyn Baluya, ang layo ng kanilang restawran ay lagpas sa 200 metro kaya kahit na nabigyan na ng babala mula sa Manila City Hall, sila ay patuloy na nagbenta ng alak. Ngunit noong kalaunan, nagsara rin ito.
Ngunit ayon sa Google Maps, ang layo ng Fusebox Food Hub mula sa UST Gate 10.
Kinumpirma naman ng isang empleyado ng Tapsi, isang kilalang restawran sa Dapitan, magsasarado sila dahil sa lapit nito mula sa University of Perpetual Help, hindi dahil sa lapit nito mula sa University of Santo Tomas.
Hindi na nagbigay ng panayam ang may-ari at mga empleyado ng Tapsi kung ano ang susunod nilang hakbang.
Ang layo ng Tapsi mula sa UST Gate 11 ay 170 metro.
Samantala, ayon sa isang empleyado ng Acustica Bar and Grill sa Espana, patuloy pa rin silang nagbebenta ng alak.
“We are compliant with the City Ordinance since we are more than 200-300 meters away from the nearby schools’ radius,” aniya.
Ang layo ng Acustica Bar and Grill mula sa UST Main Gate ay 210 metro.
Noong Hulyo 25, pumirma si Isko Moreno ng executive order na nagmamandato ng mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa na ipinagbabawal ang pagbenta ng alak malapit sa mga paaralan sa Maynila.
“There are ordinances already in place, namely Ordinances 3532 and 8520. So what he did was merely to tighten the implementation of the said statutes and make them fully functional,” aniya.
Inaatasan ng Executive Order No. 8 ang Bureau of Permits and License Office, City Treasurer’s Office at ang mga restawran na mahigpit na sundin ang Ordinansa Blg. 3532 at Ordinansa Blg. 8520 sa Maynila.
Nakapaloob sa Ordinansa Blg. 3532 ang pagbabawal sa pagbenta ng alak sa mga establisimento sa loob ng 200 metro mula sa mga eskwelahan, habang ang Ordinansa Blg. 8520 naman ay nagbabawal sa pagbenta ng kahit anong alak sa mga menor de edad sa kahit anong tindahan, mall o restawran sa Maynila.
Sinubukan ng Varsitarian na kunin ang panig ni Moreno ngunit hindi pa ito nagpapaunlak ng panayam.
‘Mabuti para sa moral ng kabataan’
Ayon kay Froilan Calilung, nagtuturo sa UST Department of Political Science, ang pagpapatupad ni Moreno ng liquor ban ay magpapatibay lamang ng “moral fiber” ng mga Manileño.
“From a social domain, the said ruling intends to strengthen the values and moral fiber of the people in Manila, especially the students,” wika niya.
Dagdag pa niya, pinapakita nito ang “political will” ng alkalde na magpatupad ng mga batas o ordinansa.
Noong Agosto 1, personal na ipinasara ni Moreno ang mga inuman malapit sa De La Salle University na abot sa 200 metro.
Noong ika-apat na State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte, hinimok niya ang Kongreso na magpatupad ng midnight curfew sa mga restawran sa pagbenta ng alak sa buong bansa.