Dating star guard, bagong coach ng Tigresses

0
757

NAGBABALIK sa UST ang dati nitong star point guard bilang bagong head coach ng Growling Tigresses.

Papalitan ni Haydee Ong, na dati ring national team head coach, si Chris Cantonjos na gumabay sa koponan ng pitong taon. Apat na beses nakapasok sa Final Four ang Growling Tigresses sa ilalim ni Cantonjos.

Bago pa man napili si Ong noong Hunyo, ginabayan niya ang Perlas Pilipinas tungo sa una nitong ginto noong 2010 SEABA Championship for Women.

Ayon kay Ong, importante na iangat ang kalidad ng training ng Tigresses.

“Pang-international ’yung bagong sistema na itinuturo ko sa team. Hindi kagaya noong panahon namin na mabibilang mo lang ang mga paaralan na medyo angat ‘yung skill level,” aniya.

Star point guard

Bilang point guard ng Goldbelles, na dating pangalan ng Growling Tigresses, pinangunahan ni Ong ang opensa ng koponan tungo sa apat na magkakasunod na titulo simula 1987 hanggang 1990.

Kasabay nito, naglaro rin si Ong para sa national team mula 1987 hanggang 1993.

Nabigyan siya ng pagkakataong maging katuwang ni coach Arturo “Bai” Cristobal sa national team noong 1998 bago siya naitalaga noong 2007.

Bilang kasalukuyang athletic director ng Immaculate Conception Academy sa San Juan, iginiit ni Ong na ang pangunahing dahilan ng kaniyang pagtanggap sa hamon ay upang maibalik ang nawalang ningning ng Tigresses, na huling nanalo ng kampeonato noong 2006 at may pinakamaraming tropeo sa liga hawak ang 11 na korona.

“Ngayon, ‘yung mga school na hindi dati nag-e-excel sa women’s program, ‘yung skill level at athleticism ng mga bata nila, [mataas] na. Kaya sa tingin ko, kailangan ‘yung sistema mo, swak sa mga tao mo,” aniya.

Kulang sa kundisyon

Sa kaniyang pagbabalik sa Tigresses, nahirapan si Ong dahil wala sa kundisyon ang kanyang mga manlalaro. Pero agad niya itong kinakitaan ng malaking potensyal sa kabila ng paglisan ni dating team captain Maica Cortes.

Giit niya, iba ang sistema ng laro ng mga babae dahil higit na mahalaga ang teamwork upang manalo ng mga laro kumpara sa mga lalaki na puwedeng umasa sa isang manlalaro lamang.

May mga patakarang idinagdag at ibinawas si Ong, gaya ng mas pinaagang call time para sa pag-eensayo upang mapahusay ang shooting ng koponan, pati na rin ang paggamit ng plays upang malimitahan ang turnovers na isa sa mga naging problema ng Tigresses noong nakaraang taon.

Mas naging mahigpit rin si Ong sa gupit ng kaniyang mga manlalaro at ipinagbawal ang gupit na panlalaki upang “ipagmalaki ang imahe” ng pagiging isang Tomasino.

Inamin ni Ong na hindi niya pa masyadong gamay ang kasalukuyang estilo ng laro sa liga kung kaya’t paulit-ulit silang nanonood ng game film upang mabasa ang galaw ng pitong katunggaling unibersidad.

Bagamat maikli lamang ang naging oras ng preparasyon para sa darating na season, naniniwala si Ong na maipamamalas ng Tigresses ang buo nitong potensyal at mas malayo ang kanilang mararating ngayong taon.

LEAVE A REPLY