KAILANGAN ng UST Growling Tigers si Coach Aldin Ayo kung nais ng koponan na manalo ng kampeonato, ayon sa alumni at mag-aaral ng Unibersidad na naglabas ng pahayag ngayong Miyerkules.

Ang pahayag ay inilabas sa isang Tigers fanpage sa Facebook na “The Growling Tigers of UST.”

Ayon dito, ang “mayhem” na sistema, na naging pagkakakilanlan na ng Tigers sa dalawang taon sa ilalim ni Ayo, ay nagbibigay ng “malaking oportunidad” upang makamit ng UST ang kampeonato sa basketball.

Pinuri din nito ang grassroots at recruitment programs ni Ayo, na unang naging coach sa Colegio de San Juan de Letran at De La Salle University.

As UST prepares for the next UAAP season, we believe that coach Ayo is the best person suited for the job. His system is finally taking off, and we have a strong chance of finally getting that elusive championship trophy for UST,” paliwanag ng grupo.

Ang pahayag ay inilabas ng grupo matapos umani ng pagpuna si Ayo nang mabunyag ang training na isinasagawa ng Tigers sa Sorsogon sa kalagitnaan ng pandemyang Covid-19.

Nananatiling tikom ang bibig ni Ayo ukol sa “training bubble” kahit kumalat ang balitang inalis nito si CJ Cansino sa koponan habang nageensayo sa Sorsogon.

Saad lamang ng head coach hinggil sa pag-alis ni Cansino: “We wish him the best providence in his new endeavor in life.”

Dagdag pa ng grupo, si Ayo ay naging “mabuting ama” sa koponan simula pagkatalaga niya bilang head coach noong 2018.

With the recent issues surrounding the team, we believe that coach Ayo acted with the best interest of his team in mind. He would never compromise the health and safety of his players. As a good father to his team, he would never put into harms way his children and he would also consider what is best for his family,” sabi ng grupo.

Nitong nakaraang UAAP Season 82, nagtapos bilang runners-up ang Tigers. Noong Season 69 pa huling nakamit ng UST ang kampeonato sa men’s basketball.

Kasalukuyang inaabangan ng Unibersidad ang magiging desisyon ng Philippine Sports Commision at UAAP patungkol sa umano’y paglabag ng koponan sa quarantine guidelines ng gobyerno.

Napabalitang nagbitiw na sa puwesto ang direktor ng Institute of Physical Education and Athletics na si Fr. Jannel Abogado, O.P. sa kalagitnaan ng imbestigasyon sa koponan. R.B.R. Fuentes Jr.

LEAVE A REPLY