AMINADO si Brent Paraiso na hindi naging madali ang desisyong iwan ang UST Growling Tigers na nasa sentro ngayon ng imbestigasyon dahil sa isinagawang training sa Sorsogon sa gitna ng pandemya.

Pero dahil may posibilidad na ma-suspinde ang Tigers, minabuti ni Paraiso na lumisan na lang lalo’t nasa huling taon na siya ng paglalaro.

“Pag nag-stay ako [tapos] na-suspend ang UST, sayang ang last playing year ko,” paliwanag nya sa Varsitarian.

“Kung ‘di na-suspend, mas okay, pero wala namang kasiguraduhan.”

Ani Paraiso, lumapit siya kay Aldin Ayo at humingi ng kasiguraduhang hindi masususpinde ang UST sa paparating na season, ngunit wala umanong naibigay ang head coach.

“Kung sigurado ako na hindi masu-suspend ang UST, hindi ako magda-drop,” ayon sa manlalaro.

Nababalot ngayon ng kontrobersya ang UST matapos ibunyag ng dating team captain na si CJ Cansino ang kanilang isinagawang pag-ensayo sa tinaguriang Sorsogon “bubble” sa kabila ng umiiral na community quarantine dahil na rin sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Nakatakdang lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng UST sa Setyembre 1.

“Hindi naman basta-basta ‘yung pag-iwan ko sa UST. Sinugal ko na lang mag-drop ng subjects kasi siyempre, need ko isipin ‘yung career ko,” ayon kay Paraiso.

Lubos ang pasasalamat ni Paraiso sa suportang nakuha mula sa UST community noong lumipat siya sa paaralan.

“Thank you for welcoming me with open arms. I will forever treasure every moment I had with the community. [It is] hard to say goodbye, but I have to,” aniya.

Isa si Paraiso sa mga bitbit ni Ayo mula De La Salle University papuntang UST noong 2018. Nagsilbi siya ng isang taong residency noong Season 81 at naging starting guard para sa Tigers noong Season 82, kung saan nakapagtala siya ng 7.2 ppg, 4.0 rpg at 1.4 apg..

Bilang isang incoming senior, hindi na maaaring lumipat sa isang member school ng UAAP si Paraiso. Subalit maaari na siyang magdeklara para sa 2020 PBA Draft kung kaniyang nanaisin, matapos niyang maglaro para sa D-League team ng UST noong 2019. R.B.R. Fuentes Jr.

LEAVE A REPLY