Baguio, nangunguna para sa UST

0
578

SA KASALUKUYANG torneo ng UAAP men’s seniors basketball, nasa solong ikatlong puwesto ang University of Santo Tomas Growling Tigers matapos ng isang makapigil-hiningang panalo kontra sa Adamson Falcons na umabot ng dalawang overtime period.

At isa sa pinakamalaking dahilan dito ay ang pagbabalik ng mahusay na shooting guard ng UST na si Cyrus Baguio.

Matatandaang hindi nakapaglaro si Baguio noong nakaraang taon para sa UST, dahilan naman upang hindi makapasok ang Growling Tigers sa Final Four sa kauna-unahang pagkakataon magmula nang sundin ang sistemang ito.

Kung nung nakaraang taon ay 4-6 lamang ang kartada ng UST pagkatapos ng 10 laro, ngayong taon ay bumaligtad ito.

Magmula nang bumalik si Baguio upang maglaro para sa koponan ng Growling Tigers sa simula ng ika-65 na taon ng UAAP, malaki ang nagbago sa laro ng UST.

Hindi lamang sila nagkaroon ng instant scoring threat, tumindi din ang depensa ng UST sa kanilang backcourt.

Dahil sa ipinapakitang gilas ni Baguio mapa-opensa o mapa-depensa man, hindi kagulat-gulat na kabilang ang dating Philippine Basketball League (PBL) dunking champion sa top ten ng bawat statistical rankings sa UAAP.

Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto si Baguio sa top scorers ng UAAP sa tulong ng kaniyang 17.9 points per game (ppg) average. Nasa ika-walong posisyon naman ang sentro ng Tigers na si Alwyn Espiritu na may 15.1 ppg average.

Nakasingit sa ika-sampung puwesto si Baguio sa rebounding department dahil sa kanyang 5.9 rebounds per game (rpg) average. Ika-anim naman si Espiritu sa tulong ng kaniyang 6.8 rpg average.

Hindi rin nakakalimot si Baguio na idamay ang kaniyang mga kakampi sa opensa na pinapatunayan ng kaniyang 4.3 assists per game (apg) upang makuha ang ika-siyam na posisyon.

Pagdating naman sa depensa, tabla sina Baguio at Espiritu na parehong may average na 1.7 steals per game.

Nasa ikatlo at ika-limang puwesto din sina Espiritu at Baguio na may 1.1 at 1.0 blocks per game (bpg) average.

Pinakamatagal naman si Espiritu sa loob ng court sa bawat laro matapos nitong magkaroon ng 32.5 minutes per game (mpg) average habang si Baguio na naglalaro ng 28.3 mpg ay nasa ika-walong puwesto.

Maganda man ang ipinapakita ng one-two punch ng UST, kailangan din namang bawasan nina Baguio at Espiritu ang kanilang fouls at errors.

Si Baguio ay may 3.8 fouls per game (fpg) at 3.2 errors per game (epg) habang si Espiritu naman ay nagkakamit ng 3.6 fpg at gumagawa ng 3.6 epg.

Sa ipinapakita nina Baguio at Espiritu, malamang na makapasok sila sa Mythical Team ng UAAP at kung patuloy na magwawagi ang UST, hindi malayong lumaki ang pag-asa nila para sa most valuable player award.

LEAVE A REPLY