Mabagsik na simula para sa UST Lady Spikers

0
508

BAGO pa man magsimula ang torneo ng 65th UAAP women’s volleyball, malaki na ang pag-asa ni Coach Augusto Santamaria sa kaniyang koponan na makuha ang kampeonato ngayong taon.

At sa ipinapakita ng UST Lady Spikers sa kasalukuyang torneo, malamang ay magiging katotohanan ito. Pagkatapos ng unang round, nasa solong ikalawang puwesto ngayon ang Tigresses, sa likod ng defending champion Far Eastern University na wala pang talo sa walong laro.

Nagmula sa Lady Tamaraws ang tanging talo ng Tigresses noong magharap sila sa unang araw ng kompetisyon.

Matapos ang apat na maiinit na sets, dumapa ang UST sa FEU, 25-15, 25-21, 23-25, 25-14 noong Hulyo 28 sa University of the Philippines-College of Human Kinetics Gymnasium sa Diliman.

Ngunit imbes na manlumo ang Tigresses dahil sa unang araw na pagkatalo, nagsilbi pa itong panggising sa kanila nang walisin nila ang mga natitirang laro.

Nagsimula ang winning run ng UST pagkatapos ng dalawang araw. Noong Hulyo 30, nakalusot ang UST Lady Spikers sa kamay ng National University Lady Spikers, 24-26, 21-25, 25-11, 25-11, 15-10.

Tila nagpapagaling pa mula sa dinanas sa kamay ng FEU ang UST matapos ipatalo ang unang dalawang sets kontra sa NU.

Pagdating ng ikatlong set, biglang nagpakitang-gilas ang mga beteranong sina Joyce Pano at Jocelyn Capati upang makuha ang tatlong sunod na set at unang panalo para sa UST.

Galing sa panalo, punung-puno ng kumpiyansa ang UST nang kanilang harapin ang first runner-up noong nakaraang taon, ang De La Salle University Lady Spikers noong Agosto 4.

Bagamat hindi malalayo ang agwat ng kanilang panalo sa bawat set, minadali ng Tigresses ang kanilang panalo nang kanilang tapusin ang Lady Archers sa tatlong set, 25-23, 25-20, 25-23.

Sinundan naman ito ng UST ng isa pang 3-0 na panalo kontra sa Ateneo De Manila University Lady Eagles noong Agosto 8.

Tinapos ng UST Volleybelles nang walang kahirap-hirap ang kanilang nalalabing laro sa pamamagitan ng pagwalis sa kanilang tatlong huling kalaban—ang University of the East, 25-17, 25-23, 25-18; Adamson University, 25-20, 25-10, 25-16; at ang University of the Philippines, 25-11, 25-14, 25-20.

Muling nagharap ang UST at ang Lady Maroons sa pagsisimula ng ikalawang round ng eliminations noong Agosto 25.

Ngunit sa pagkakataong ito, hindi naging madali ang naging panalo ng Tigresses. Umabot sa limang set ang kanilang laban subalit nangibabaw pa rin ang kahusayan ng UST, 25-11, 21-25, 22-25, 25-8, 15-11, upang panatilihin ang kanilang hawak sa ikalawang puwesto.

Bumagsak ang UP (4-4) sa ika-apat na posisyon sa likod ng kasalukuyang nasa ikatlong puwesto na DLSU Lady Spikers (5-3).

Sa kanilang mga laro, nagpakita ang UST Lady Spikers ng kakaibang consistency sa kanilang opensa sa pangunguna ng mga beteranong sina Pano at Capati at ang sophomore na si Anna Fulo. Bukod rito, mapapansin din ang ibinuti ng UST sa depensa sa tulong ng magkapatid na Kate at Karen Co Yu Kang.

Bagamat nawala na sa koponan ang mga beteranong sina Bing Judan at Kimberly Racaza, na parehong nagtapos na sa pag-aaral, nananatiling malakas ang UST Volleybelles.

Ayon kay Santamaria, mas mataas ang posibilidad na makuha ng UST Volleybelles ang korona na huli nilang nakuha noong 1997.

“I think we have a very good chance this year. Considering the exposure that they got, they played in so many tournaments last year. Before, limited lang iyong mga sinasalihan natin kaya medyo kinakabahan kapag iba ang kalaban. They had enough exposure during the off-season. The players now know their roles,” ani Santamaria.

Sa apat na sinalihang off-season tournaments ng UST pagkatapos ng UAAP tournament, tatlo ang naiuwi nilang kampeonato.

Una nilang napanalunan ang Private Schools Athletic Association (PRISAA) volleyball tournament na ginawa sa Cebu City.

Nakaharap ng UST ang bagong-panalong kampeon ng UAAP, ang FEU Lady Spikers. Dito ipinakita ng UST ang kanilang tunay na galing matapos lusutan ang kanilang katapat mula sa Morayta pagkatapos ng apat na sets.

Hinirang na most valuable player at best attacker si Pano habang si Capati naman ang ginawaran ng best blocker award.

Pagkatapos ng isang linggo, muli na namang sumabak sa aksyon ang Tigresses. Inanyayahan ang UST na lumahok sa La Salle Invitational na ginanap sa La Salle Greenhills.

Naging dikit ang labanan sa pagitan ng host na La Salle at ng UST na pinatunayan ng pag-abot ng laro sa limang sets.

Matapos makuha ang 13-11 na kalamangan sa huling set, nakabalik ang La Salle sa laro sa pamamagitan ng makailang errors ng UST na nagbigay ng pagkakataon sa Lady Archers na makuha ang panalo at ang kampeonato.

“We believe that we had won that game if not only for the several unforced errors by the players,” ani ni Santamaria.

Sinundan naman ito ng AUF (Angeles University Foundation) Triangular Meet sa Pampanga na kinabilangan ng host team, ng UST, at ng University of the Philippines Lady Spikers.

Muling nagwagi ang UST matapos pabagsakin ang host team, AUF Lady Spikers sa apat na set upang iuwi ang korona.

Huli sa kanilang sinalihan ang PAVA (Philippine Athletic Volleyball Association) Senior National Open na ginanap sa Rizal Memorial Coliseum.

Dinaig ng koponan ng UST-UAAP ang UST-Alumni na kinabibilangan ng ilang national players sa tatlong sets.

Sa pagkakataong ito, si Capati ang itinanghal na MVP ng torneo habang si Pano ay nag-uwi muli ng best attacker award.

Ayon kay Santamaria, alam na ng kaniyang mga manlalaro ang galaw ng bawat isa kung kaya maganda ang ipinapakita ng mga ito sa kanilang mga laro.

Dagdag pa niya, nagdulot ng mabuti sa koponan ang pagkuha sa Koreanong si Song Yong Ho. Si Ho, isa sa mga pinakamagagaling na coaches ng volleyball sa Korea, ang official team trainer ng UST Lady Spikers.

“We really improved a lot in defense and our offense is more lethal. We still need to improve a lot in service. Although tumaas na ang percentage, we were still not satisfied. Hopefully, we could still improve on that,” ayon kay Santamaria.

Kahit na maganda ang ipinapakita ng Tigresses sa kasalukuyang torneo, nanghihinayang pa rin si Santamaria sa pagkawala sa UST ng high school na manlalaro na si Carisan Goten.

Nakuha ng DLSU si Goten na hinirang ni Santamaria na siyang susunod sanang mangunguna sa UST sa hinaharap.

“They offered her full scholarship, free board and lodging, and allowance. Wala kaming mabibigay na ganoon,” sabi ni Santamaria.

Ganito pa lamang kaaga, naghahanda na si Santamaria para sa hinaharap ng UST Volleybelles na unti-unti nang mawawalan ng magagaling na mga beterano sa susunod na dalawang taon. Si Capati ay magtatapos na ng pag-aaral ngayong taon na susundan naman ni Pano sa susunod na taon.

“We’re trying to get one player who is 5’11. Kapag nakuha namin iyon, matagal-tagal nilang bubunuuin itong team na ito. Siya ang ipapalit namin kay Pano. Malaki at tumatalon. Kaunti na lang ang kailangang i-polish sa skills,” ani ni Santamaria.

Sa kasalukuyang torneo, malaki ang iginaling ng UST na dahilan naman upang umasa ang mga tagasunod nito ng korona ngayong taon.

“We have a big chance of going for the championship. It’s about time that we repay all the goodness of the school,” pagtatapos ni Santamaria.

LEAVE A REPLY