Tiger Cubs, nagtala ng dalawang sunod na panalo

0
951

MABILIS na bumangon mula sa maagang pagkakadapa ang UST Tiger Cubs upang tisurin ang Adamson Baby Falcons, 79-76, para itala ang kanilang unang dalawang sunod na panalo sa UAAP juniors basketball tournament noong Agosto 25 sa Rizal Memorial Coliseum.

Pinatahimik ng magandang depensang ipinakita ng Tiger Cubs ang Baby Falcons sa huling dalawang minuto ng laro. Dahil dito, nakuha ng UST ang kanilang ikaapat na panalo sa walong laro upang paigtingin ang kanilang natitira pang pag-asa na makapasok sa Final Four. Ang panalong ito ang nagtabla sa kanila sa De La Salle-Zobel Bengals sa ikaapat na posisyon tungo sa mahalagang bahagi ng torneo.

Pagkatapos bumuslo ng three-point shot si Mike Malicad para bigyan ng apat na puntos na kalamangan ang Baby Falcons, 72-68, gumawa ng limang sunod na puntos si Tiger Cub Loureck Tong upang agawin ang kalamangan, 73-72, mahigit na dalawang minuto na lamang ang nalalabi sa laro. Umiskor si Mike Lindaya sa sumunod na play para ibalik ang kalamangan sa Baby Falcons. Isa pang jumper mula kay Malicad ang muling nagbigay ng kaba sa Tiger Cubs sa pagtikada sa huling dalawang minuto ng laro, 76-73.

Nagpalitan ng mintis ang dalawang koponan bago bumira ng open jumper ang kakapasok pa lamang na si Glen Claravall para sa UST upang tapyasin ang kalamangan ng Baby Falcons sa isa, 76-75, 1:05 na lamang ang nalalabi sa laro. Naagaw naman ni John Paul “Japs” Cuan ang bola sa huling 27 segundo at kaagad na ipinasa sa kakamping si Joseph Busa na nakakuha naman ng foul mula kay Baby Falcon Daniel Macapagal.

Kinailangan pang alalayan palabas ng court si Busa matapos idaing ang kaniyang kanang tuhod pagkatapos ng banggaan nila ni Macapagal. Pinalitan siya ni Alex Aquino na nagbuslo ng unang free throw upang itabla ang laro, 76-all. Nagmintis siya sa pangalawang free throw subalit napunta sa kamay ng Tiger Cubs ang bola sa agawan ng rebound. Inikot ng Tiger Cubs ang bola at na-foul si Tong sa huling 16 segundo ng laro. Hindi ininda ni Tong ang pressure at kalmado niyang ipinasok ang kanyang dalawang free throws na naging dahilan upang magsaya at magsigawan ang mga fans ng Tiger Cubs.

Nagmintis si Malicad sa kaniyang three-point attempt sa harap ng mahigpit na depensa ng Tiger Cubs. Nakuha ni Claravall ang rebound at siya’y nakakuha ng foul mula kay Wilson Opelac ng Adamson, dalawang segundo na lamang ang natitira sa laro. Nagmintis siya sa una subalit naipasok niya ang pangalawang free throw para sa huling puntos ng laro.

Pagkatapos mabaon ang Tiger Cubs sa siyam na puntos na kalamangan ng Baby Falcons pagddating ng halftime, 49-38, pinangunahan nina Cuan at Raymund Leyga ang UST upang makalapit sa Admason papasok sa huling yugto ng laro. Lamang ng pito ang Baby Falcons, isang matinding 8-0 ratsada ang pinakawalan ng Tiger Cubs upang gulatin ang mga manlalaro mula sa San Marcelino at agawin ang kalamangan, 64-63, sa panimulang bahagi ng fourth quarter.

Saka lamang nakaiskor ang Baby Falcons ng kanilang unang puntos sa huling kanto nang makaiskor si Lindaya, mahigit na tatlong minuto na ang nakakalipas. Limang sunod pang puntos ang kanyang ginawa, ang huli ay tatlong free throws mula sa huling foul ng starting point guard na si Leopoldo Bag-o ng Tiger Cubs mula sa three-point area.

Pinangunahan ni Leyga ang opensiba ng Tiger Cubs sa kaniyang 15 puntos bago siya nag-foul out sa huling yugto ng laro. Sinuportahan naman siya nina Tong at Cuan na may 14 at 13 puntos samantalang nagbigay naman ng magandang laro si Aldwin Flores sa paghalinhin niya kay Bag-o sa posisyong point guard sa pamamagitan ng kaniyang nagawang 11 na puntos.

Kumana naman ng 21 puntos ang maliit na si Lindaya para sa Baby Falcons.

Samantala, nakapaghiganti naman ang Tiger Cubs mula sa pagkakatambak ng De La Salle-Zobel sa kanila sa unang round ng torneo nang kanilang lapain ang Bengals, 65-62, noong Agosto 22 sa Rizal Memorial Coliseum.

Hindi bumigay ang Tiger Cubs sa endgame sa harap ng matinding paghahabol na ginawa ng Bengals. Kinasangkapan nila ang kanilang steady free throw shooting sa huling minuto ng laro upang iposte ang kanilang ikatlong panalo.

Gumawa ng 22 puntos si Alex Aquino samantalang nagdagdag naman ng tig-11 na puntos sina Tong at Cuan.

Sa kabilang panig, pinangunahan nina Guillen Navarra at Obet Carlos na may tig-13 na puntos ang Bengals.

LEAVE A REPLY