Tiger Jins, nanaig sa torneo ng Milo

0
433

NAGMISTULANG mga mababangis na tigre ang mga UST Taekwondo Jins matapos nilang magpakitang-gilas sa ika-25 Milo Nationals Tournament noong Agosto 4 hanggang 5 sa Ninoy Aquino Memorial Stadium.

Naiuwi ng Tiger Jins ang kabuuang tatlong gintong medalya, apat na silver at apat na bronze sa individual competitions at natapos sa ikalawang puwesto sa team competitions sa likod ng koponan ng De La Salle University (DLSU) na nakakuha ng dalawang gintong medalya.

Sa men’s division, nakuha ni UST Taekwondo head coach Dindo Simpao ang isang ginto laban kay Willie Ngo ng Philippine Air Force. Nasungkit naman ng baguhang si Ernesto Mendoza ang isang silver laban sa dating Tiger Jin na si Donald Geisler na bumandera para sa koponang Tip Top Shape.

Nag-uwi rin ng isang silver si Rodolfo Valenzuela laban sa kapwa Tomasinong si Jefferthom Go. Sina Alex Briones at assistant coach Gerald Gregorio ng UST ay nakasungkit naman ng tig-iisang silver na medalya laban kay Din Lim Bo ng Philippine Army at sa UST Jin na si Tshomlee Go. Nakakuha naman ng isang bronze si Arnold Valenzuela laban kay JR Rivero ng De La Salle University.

Nakopo naman ng Lady Jins ang dalawa pang ginto sa pamamagitan ng mga panalo nina Daleen Cordero at Josephine Strachan habang si Lizette Alvaro at Bernadette Roson ay nag-uwi ng tig-isang bronze medal para sa UST.

Ang high school jin na si Gio de Guzman ng UST ay nag-ambag din ng isang bronze medal para sa koponan.

Ang nasabing torneo ay kinatampukan ng iba’t-ibang taekwondo teams mula sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa tulad ng nagtatanggol na kampiyon na DLSU, Unibersidad ng Pilipinas, University of the East, Far Eastern University, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Army, University of Baguio, Letran, San Beda, University of Asia and the Pacific, at mga koponang mula sa Ilocos, Pangasinan at Zamboanga.

Ayon naman kay team captain Francis Mercado, maganda ang ipinapakita ng koponan ngayon at sa tingin niya ay malayo ang kanilang mararating sa UAAP.

Binabalak din ng Tiger Jins na lumahok sa Milo Inter-School Tournament sa darating na Setyembre, kung saan kanilang idedepensa ang koronang napanalunan nila noong nakaraang taon.

LEAVE A REPLY