Tigers, lusot sa Falcons

0
379

TATLONG araw mula nang sila ay matalo sa defending champion na De La Salle University sa overtime period, muli na namang umabot sa sukdulan ang UST nang kanilang harapin ang mapanganib na Adamson Falcons.

Pagkatapos ng dalawang overtime period, nanaig ang Growling Tigers, 92-88, noong Agosto 25 sa Rizal Memorial Coliseum.

Sa likod ng magandang laro ni Jemal Vizcarra, na nagtapos na may game-high na 21 puntos, umangat ang UST sa ikatlong puwesto sa kanilang 6-4 na kartada.

Nagtulong sina Vizcarra at ang kakamping si Christian Luanzon upang ipadala ang laro sa unang overtime.

Matapos pumoste ng 78-64 na kalamangan ng Adamson, biglang nagpakawala ng dalawang sunod na three-pointers sina Vizcarra at Luanzon.

Sa unang overtime, kung saan nakuha ng UST ang 85-82 na kalamangan, 11 segundo na lamang ang natitira, bumawi ang Falcons nang tumira ng sariling bomba mula sa three-point area ang tubong Cagayan de Oro na si Tagupa upang muling itabla ang laro at dalhin ang laro sa ikalawang overtime.

Dito na nagpakitang-gilas si Vizcarra. Tumirada ng isang step-back three-pointer ang dating Adamson Baby Falcon upang i-angat ang UST sa apat na nagsilbi ring huling puntos ng laro.

Nagdagdag ng 17 na puntos si Cyrus Baguio na nag-foul out agad sa fourth quarter pa lamang.

Pinangunahan naman ni Falcon Mark Abadia ang kabilang panig sa kaniyang 16 na puntos.

Sa muling paghaharap ng dalawang “four-peat” na koponan sa nakaraang dalawang dekada, tila naging isang masamang panaginip na nagkatotoo ang naging pagkatalo ng UST sa kamay ng Green Archers noong Agosto 22 sa Rizal Memorial Coliseum.

Matapos magtayo ng 18 puntos na kalamangan sa huling yugto ng laro, hinayaan ng Growling Tigers na makabalik ang defending champion De La Salle University sa laro at kuhanin ang 81-79 na panalo.

Matapos mailapit ng De La Salle ang kalamangan ng UST sa walo, 59-47, nagsimula nang mag-domina si Baguio.

Isang matinding two-handed slam-dunk ang pinakawalan ni Baguio sa pagsasara ng ikatlong yugto upang umpisahan ang mainit na 10-0 run para sa Growling Tigers na nagpatuloy hanggang sa unang bahagi ng ika-apat na yugto.

Isang basket mula kay Tiger Iago Raterta ang nagpalobo ng kalamangan ng UST sa 18, 67-49, 8:32 na lamang ang nalalabi sa ika-apat na yugto ng laro.

Ngunit iyon na ang huling birada ng Tigers nang biglang bumulusok ang Green Archers na nagpakawala ng 11 sunod na puntos upang ilapit ang kalamangan ng UST sa pito, 67-60.

Sa magkatulong na galing nina Mike Cortez at Joseph Yeo ng De La Salle, naging apat na puntos na lamang ang naghihiwalay sa Green Archers at sa karibal nito noong dekada 90 na Growling Tigers.

Dahil dito, tuluyan nang nabuhayan ang De La Salle na muling gumamit ng full-court pressure upang pilitin ang UST na itapon ang bola ng makailang beses.

Tuluyan nang naitabla ng De La Salle ang laro matapos ang isang lay-up ni Mika Vainio na sinundan naman ng malayong three-point shot ni Joseph Yeo upang ipadala ang laro sa overtime period.

May pagkakataon pa sanang maipanalo ng UST ang laro ngunit nagmitis naman sa kanilang mga tira sina Jemal Vizcarra at Niño Gelig.

Hindi na nagpapigil ang De La Salle pagdating ng overtime period nang kanilang gapiin ng tuluyan ang UST sa pangunguna ni Cortez.

Sa pagkasawing iyon, sinayang ng UST ang pagkakataon na maging unang koponan na tatalo sa De La Salle ngayong taon.

Lalo lamang pinatunayan ng UST na kaya man nilang makipagsabayan sa isang kampeon na koponan gaya ng De La Salle, kulang naman sila sa puso na manalo.

Pinangunahan ni Baguio ang UST sa tulong ng kaniyang 25 na puntos, walong rebound, at anim na assist. Nagdagdag naman si Espiritu ng 13 na puntos.

Si Yeo naman ang kumana para sa De La Salle sa pamamagitan ng kaniyang 24 na puntos.

Samantala, sa likod ng pagbulusok nina Jinino Manansala at Christian Luanzon sa mga huling segundo ng laro, binuksan ng UST Growling Tigers ang ikalawang round ng 65th UAAP men’s basketball tournament sa pamamagitan ng isang 82-79 na pagkapanalo kontra sa National University (NU) Bulldogs noong Agosto 18 sa Rizal Memorial Stadium.

Bagamat hindi masyadong nakagawa sa mga unang yugto ng labanan, binigay ng kombinasyon ni Manansala at Luanzon ang mga pinaka-importanteng puntos ng Tigers sa labanan. Pinangunahan ng dalawa ang isang game-winning na 6-0 run ng UST sa huling 29 segundo ng laro.

Pagkatapos malamangan sa iskor na 78-76 may 39 na segundo ang natitira sa laban, binawian ng Tigers ang NU sa pamamagitan ng isang krusyal na tres mula kay Manansala upang maagaw ang pangunguna sa labanan. “Iyong depensa kasi naka-focus kay (Nino) Gelig at saka kay Alwyn (Espiritu). Nalibre ako. Hindi na ako nag-alangan,” sabi ni Manansala, na gumawa ng siyam na puntos at walong assists.

Ngunit naging panandalian lamang ang kalamangan ng Growling Tigers. Pagkatapos makakuha ng foul mula kay Gelig, naibuslo ni Jeff Napa ng NU ang isa sa kaniyang dalawang free-throws upang itabla ang laro sa 79-79 na talaan.

Sa sumunod na play, naiskor ni Luanzon ang mga huling puntos ng laro sa isang three-point play sa fastbreak may limang segundo na lamang ang natitira sa laro. Lalong inilapit ni Luanzon ang UST sa pagkapanalo pagkatapos maiskor ang kaniyang karagdagang free-throw para sa huling talaan.

“Nung first three quarters, feeling ko wala akong na-contribute. Kahit yun lang ang points ko for the whole game, at least nakatulong sa team,” wika ni Luanzon.

Nagtangka ang Bulldogs na makalapit ngunit nagmintis ang jumper ni Bryan Tolentino bago naubos ang oras sa labanan.

Sa kabuuan ng laro, pinangunahan ng kombinasyon ni Derrick Hubalde at Espiritu ang atake ng mga taga-España. Dinomina ni Espiritu ang depensa ng NU sa loob sa pamamagitan ng kaniyang 21 puntos at pitong rebounds. Samantalang si Hubalde, na binago ang kaniyang laro nang magsimula itong mag-penetrate sa loob, ay nagdagdag ng 18 puntos at walong rebounds. “Dami nagsasabi, puro three points lang ako…Gumawa lang ako ng ibang diskarte,” sabi ni Hubalde.

Nag-ambag naman si Cyrus Baguio ng 16 puntos, siyam na rebounds, apat na assists at apat na steals para sa UST.

Pinangunahan ni Reynaldo Mendoza ang Bulldogs sa pamamagitan ng kaniyang 19 na puntos at anim na rebounds.

Samantala, tinapos ng Tigers ang unang round ng liga sa isang 90-87 na pagkatalo sa UE Red Warriors noong Agosto 10 sa Araneta Coliseum.

Walang naging panapat ang UST laban sa beteranong si James Yap, na umiskor ng game-high na 36 puntos sa 6 of 10 shooting mula sa three-point arc. Halos perpekto rin si Yap sa free-throw line sa kaniyang 12 of 13 shooting.

Sa mga unang yugto ng laban, walang koponan ang nakalayo sa pangunguna sa laro. Ngunit tuluyang naagaw ng Warriors ang kalamangan sa huling yugto ng laro sa likod ng opensiba nina Yap at Arnold Booker. Siniguro ng kombinasyon ni Yap at Booker ang panalo ng UE sa pamamagitan ng pag-gawa ng 15 sa 25 puntos ng UE sa ikaapat na yugto.

Nakuha ng UE ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa isang three-pointer mula kay Booker may 5:50 ang natitira sa laban para sa iskor na 79-68.

“Maganda na nung simula, kaya lang hindi ma-stop yung shooting ng UE. Parang nagpabaya sa depensa,” sabi ni UST head coach Januario “Aric” Del Rosario.

“Hindi kami nagkatulungan. Nagkulang kami sa communication. Tapos, nahaluan pa ng swerte (ang UE),” dagdag ni Baguio, na gumawa ng 24 na puntos at apat na assists.

Nag-ambag naman si Warren de Guzman ng isang double-double sa pamamagitan ng kaniyang ginawang 11 puntos, sampung rebounds at anim na assists.

Gumawa si Baguio ng walong puntos sa huling dalawang minuto ng laro upang tulungang makabalik ang Tigers, ngunit binigyan ng distansya ni Yap ang kaniyang koponan sa pamamagitan ng isang jumper may 54.5 segundo ang natitira sa laban.

LEAVE A REPLY