Tigresses, bumagsak sa ika-anim na puwesto

0
471

PAGKATAPOS makuha ang kanilang unang panalo, nalugmok ang UST Tigresses sa ika-anim na puwesto sa pamamagitan ng tatlong sunod na pagkatalo sa torneo ng women’s basketball sa UAAP.

Tinapos ng Tigresses ang unang round ng eliminations na may kartadang 1-5 pagkatapos ng isang 49-43 na pagkatalo sa kamay ng Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles noong Agosto 11 sa UST Gym.

Hindi napigilan ng depensa ng UST ang kombinasyon nina Kristine Chua at Erika Dy, na pinangunahan ang opensa ng Lady Eagles. Dinomina ni Chua ang loob at gumawa ng 20 puntos, 11 rebounds at limang steals.

Sinuportahan ng beteranong si Dy ang pag-angat ng Lady Eagles sa pamamagitan ng 16 puntos at limang rebounds.

Pagkatapos manguna ng Ateneo sa halos kabuuan ng unang half, naitabla ng UST ang iskor, 35-35, sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng laro.

Sinubukang buhayin ng rookie na si Merissa Noscal ang kampanya ng Tigresses sa pamamagitan ng 12 puntos, siyam na rebounds at apat na steals ngunit hindi ito naging sapat upang tulungan ang kanyang koponan na makuha ang panalo.

Sa kanilang laro laban sa Adamson University (AdU) Lady Falcons, hindi nakabangon ang Tigresses mula sa 15-4 na kalamangan ng AdU upang matalo, 74-47, noong Agosto 6 sa UST Gym.

Hindi naging sapat ang 11 puntos at siyam na rebounds na ginawa ni Jennifer Mondejar upang talunin ang Lady Falcons.

Hindi pinahintulutan ng point guard na si Annaliza Dayson na makabalik ang UST sa laro. Gumawa ng game-high na 18 puntos si Dayson upang siguraduhin ang panalo ng kanyang koponan.

Nag-ambag naman si Dorothy Torres ng 15 puntos, limang assists at tatlong steals para sa Adamson.

Samantala, walang nagawa ang Tigresses upang pigilan ang pagragasa ng three-peat champions na De La Salle Lady Archers patungo sa isang 64-45 na pagkapanalo noong Agosto 4 sa UST Gym.

Ang Lady Archers, wala pang talo sa pagtatapos ng unang round sa kartadang 6-0, ay pinangunahan ng beteranong si Regina Velarde na gumawa ng 18 puntos at apat na steals.

Sa unang pagkakataon sa torneo, umiskor ang tatlong players ng Tigresses sa double figures ngunit natalo pa rin ang UST. Gumawa si Theresa Palenzuela ng 12 puntos at 11 rebounds kasama ng 11 puntos at 15 rebounds mula kay Noscal. Nag-ambag naman si Mondejar ng 13 puntos.

Naitala ng Tigresses ang kanilang unang panalo laban sa UE Red Amazons sa iskor na 57-48 noong Agosto 1 sa UST Gym.

Nakuha ng Growling Tigresses ang laban sa pamamagitan ng isang 20-12 na pagbulusok sa kabuuan ng huling yugto ng laro.

Pinangunahan ni Mondejar ang pag-usad ng UST sa pamamagitan ng 13 puntos, limang rebounds at tatlong assists. Nakakuha naman si Mondejar ng suporta mula kay Theresa Palenzuela na gumawa ng 10 puntos at anim na rebounds.

Pinangunahan ni Marisol Mabazza ang Red Amazons sa pamamagitan ng 15 puntos, limang rebounds at pitong steals.

LEAVE A REPLY