Tracksters, wagi sa Milo Marathon

0
381

DALAWANG Tomasino ang itinanghal na pinakamabilis sa kanilang mga dibisyon ng 26th Milo Marathon noong Agosto 4 sa Lipa.

Nakuha ng 21-taon na si Ricamunda ang unang pwesto matapos ma-diskwalipika ang orihinal na nagwagi na si Noel Bautista dahil sa kakulangan nito ng taon sa paninirahan.

“Kulang kasi siya ng local residency sa Region IV. Iyon kasi ang requirement dun sa tournament,” ani Ricamunda.

Si Ricamunda, tubong San Mateo, Rizal, ay natapos sa oras na 1:11:32. Sa kanyang pagkapanalo, naiuwi ni Ricamunda ang gantimpalang P10,000. Dagdag pa dito, nakakuha din siya ng slot para sa national finals na gaganapin sa huling bahagi ng taon na ito.

“Second or third lang ang expected ko dahil alam kong nandoon si Bautista. Nasabayan ko siya hanggang sa 13 kilometer mark, tapos nag-slow down ako dahil malakas ang pacing niya, naiwan na ako.”

Dagdag pa ni Ricamunda, mas malalakas ang mga nakalaban niya sa kanya at kulang din siya sa ensayo.

Sa panig naman ng mga babae, nanguna ang 20-taon na si Yambao mula umpisa at hindi na nito hinayaang makahabol pa ang ibang kalahok upang matapos sa oras na 1:25:50.

“Hindi ko expected na mananalo ako kasi ka-o-opera lang sa akin noong May. Tapos nag-start ako ng training nung June,” ani ng Institute of Physical Education na mag-aaral na nasa kaniyang ikalawang taon.

Tulad ni Ricamunda, hindi rin inasahan ni Yambao na magwawagi siya dahil isang buwan lang ang ginawa niyang paghahanda.

Bukod dito, may mga kalaban din sana si Yambao na galing sa Philippine Navy at Airforce kung kaya’t ganoon lamang ang kaniyang inaasahan.

Ngunit hindi nakapaglaro ang dalawang mahigpit na kalaban ni Yambao kung kaya’t siya ang nagwagi at nakakuha ng P10,000 na premyo.

Nakakuha man ng slot sa national finals sina Ricamunda at Yambao, hindi pa rin sila sigurado kung makakalahok sila dito.

Ayon sa dalawa, maaaring tumapat ito sa lalahukan nilang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) track and field tournament.

“Madi-disqualify kasi kami sa UAAP kung sabay kaming maglalaro sa dalawang tournament,” ayon kay Ricamunda.

Ngunit kung mauuna ang torneo sa UAAP, dagdag pa ng dalawa, maaaring makalahok sila sa National Finals.

LEAVE A REPLY