Unang talo para sa Tiger Spikers

0
694

NAANTALA ang pamamayagpag ng UST Tiger Spikers pagkatapos nitong matalo sa pumapangalawang UP Maroon Spikers sa limang dikdikang set, 25-18, 25-22, 24-26, 24-26, 7-15, sa pagsisimula ng ikalawang round ng UAAP Volleyball Tournament noong Agosto 25 sa UP-College of Human Kinetics gym.

Dahil sa nakapanlulumong pagkatalo, nasira ang balak ng Tiger Spikers na sungkitin kaagad ang kampeonato sa taong ito sa pamamagitan ng 14-game sweep. Gayunpaman, nanatiling nasa unang puwesto ang mga Spikers dahil sa kanilang 7-1 na kartada samantalang tumabla naman ang Maroon Spikers sa 2001 champion De La Salle Green Spikers na may magkaparehong 6-2 na rekord.

Samantala, sa muling paghaharap ng dalawang koponang nagtuos para sa kampeonato noong nakaraang taon, bumawi naman ngayon ang Tiger Spikers ng kanilang pasukuin ang Green Spikers sa tatlong umaatikabong set, 25-16, 25-18, 25-23, upang itala ang kanilang ikapitong sunod na panalo sa pagtatapos ng unang round ng UAAP Volleyball Tournament noong Agosto 18 sa UP-College of Human Kinetics gym.

Ang pinakaabangang pagtutuos ng dalawang nangungunang koponan ay pansamantalang naantala ng inilipat ang laro sa hapon sa halip na umaga dahil sa basa at madilim na volleyball court two ng UP na sanhi ng pag-ulan. Gayunpaman, hindi maipagkakaila ang panalo ng UST Tiger Spikers.

Bumulusok ang Tiger Spikers sa unang bahagi ng laro upang agad na malamangan ang mga dating kampeon mula sa Taft, 13-8. Natigatig ang Green Spikers kaya tumawag ito ng maagang time-out. Pagkatapos ng time-out, nagpalitan ng iskor ang magkabilang panig bago umarangkada si Jake Lagar ng UST ng tatlong sunod na puntos para sa 20-11 na kalamangan na hindi na binitiwan ng UST upang kunin ang unang set.

Sa ikalawang set, naging madikitan ang labanan hanggang sa humulagpos mula sa 14-all na pagkakatabla ang Tigers at maitala ang 17-14 na bentahe sa magandang depensang ipnakita nina Emilio Reyes Jr. at Nimrod Ruelos. Pagkatapos ng isang time-out, pinangunahan naman ni Lagar ang opensiba ng Tigers at sunod-sunod na pagkakamali pa ng Green Spikers ang dagliang tumapos sa ikalawang set.

Sunod-sunod na smash at blocks nina team captain Rico de Guzman, Reyes at Ruelos ang nagpasimula sa ikatlong set, sapat para sa 10-4 na maaagang arangkada ng Tiger Spikers. Sunod-sunod namang errors ng UST at sinamahan pa ng magandang laro nina Rael Pio de Castro at Alejandro Mallari ng DLSU ang tumapyas sa kalamangan ng una sa tatlo, 18-15. Pagkatapos tumawag ng time-out si UST coach Emilio Lontoc, nakipagpalitan sina de Guzman at Ruelos ng mga smash at quick kills kina Mallari at Martin Libot ng Green Spikers para sa 24-21 na kalamangan papunta sa kritikal na bahagi ng laro. Isang receiving error at malakas na palo ni de Guzman na tumilapon palabas ng linya ang nagpalapit sa kalamangan, 24-23. Mula sa time-out, ipinasok ni Lontoc ang baguhang si Adrian Babista upang halinhinan si Louie Lloyd Magpoc na pumaltos sa kaniyang mga naunang service. Ang stratehiyang iyon ng UST ay nagbunga ng maganda sapagkat naipasok ni Babista ang kaniyang service spike sa krusiyal na bahagi ng laro. Isang makapigil hiningang block ni Reyes kay de Castro ang nagbigay ng ikapitong sunod na panalo sa Tiger Spikers.

Ang pagkawala ng dating team captain na si Janley Patrona na nakapagtapos na ng pag-aaral ay nakapagpahina sa Green Spikers, ayon kay Lontoc. Subalit ayon din sa premyadong coach, ipinakita lang ng kanyang mga bata ang kanilang determinasyong makuha ang kampeonato sa taong ito nang mawalis nila ang unang round ng eliminations.

Pinaglaruan naman ng Tiger Spikers ang nangungulelat na Ateneo Blue Spikers sa tatlong maiiksing set, 25-11, 25-18, 25-18, noong Agosto 11 sa UP-College of Human Kinetics gym.

Binigyan ng pagkakataon ni Lontoc ang baguhang si Bernard Matira na magpakitang gilas at hindi nga siya nabigo ng nakipagtambalan siya kay de Guzman sa paghahagupit ng mga naglalakasang smash at kills sa napakahinang depensa ng Ateneo. Naging madali para kay Tiger setter Irvin Guiao ang pagbibigay ng bola sa kaniyang mga kasamahan upang lalong linlangin ang mga taga-Katipunan.

Tanging ang UP Maroon Spikers pa lamang ang nakapagpahirap at nakapagbigay ng mgandang laban sa 2001 runner up na UST Tiger Spikers. Sa kanilang paghaharap noong Agosto 8 sa homecourt ng UP, umabot hanggang sa sukdulan ang laro subalit sa bandang huli, nangibabaw pa rin ang UST laban sa UP sa limang makapigil hiningang set, 25-21, 31-29, 20-25, 23-25, 15-13.

Pagkatapos ng mahigpitang labanan sa panimulang bahagi ng unang set, bumulusok ang Tiger Spikers mula sa 20-all na iskor sa tambalan nina Lagar at Reyes para sa mainit na 5-1 na pagtatapos.

Naging mas mainit ang labanan pagdating ng ikalawang set. Pagkatapos makaungos ang UP sa kalagitnaan ng ikalawang set, 15-13, agad na tumawag ng time-out ang UST. Subalit hindi pa rin napigilan ng UST ang pagratsada ng UP sa malakas at maingay na sigawan ng napakarami nilang tagasunod upang palakihin pa ang kalamangan, 18-15. Muling tumawag ng time-out ang UST. Sa pagkakataong ito, naghalinhinan sina Reyes, Lagar at Ruelos sa 9-3 na pagbulusok upang nakawin ang kalamangan, 22-21. Simula sa bahaging ito, nagtagisan ng galing ang magkabilang koponan sa harap ng matinding pressure. Walang gustong magpatalo hanggang sa natikman ng UP ang kanilang huling kalamangan para sa naturang set sa smash ni Paolo Herras na hindi nasalo ng depensa ng UST. Subalit hindi sumuko ang Tigers at bumalik sila sa kanilang paboritong play, isang dumadagundong na smash ni Reyes mula sa fake ni Ruelos, upang maitabla muli ang laro. Isa pang smash mula kay Lagar at magandang depensa naman galing kay Ruelos ang tumapos sa UP.

Sa pag-aakalang isusuko na ng UP ang laro, naging malamya ang laro ng UST sa ikatlong set. Pagkatapos ng 16-all na iskor, isang malakas na smash ang binitiwan ni Jarrod Hubalde ng UP, pinsan ni Derrick Hubalde ng UST Growling Tigers, upang makuha ang kalamangan. Isang tip-in naman ni Jerico Hubalde, kapatid ni Jarrod, sa gitna ng mga errors nina Magpoc at Reyes ang nagpalaki sa kalamangan, 22-19. Matapos ang time-out na itinawag ng UST, bumanat muli si Herras at dalawa pang pagkakamali ng Tiger Spikers ang tumapos sa ikatlong set.

Sa sumunod na set, determinado na ang UST na tapusin na ang laro sa maagang 12-8 na ratsada. Subalit hindi nagpadaig ang UP at siya namang bumulusok sa huling bahagi ng naturang set sa pagtutulungan nina Jarrod Hubalde, Lino Antonio at Ronald Lomague upang makahirit ng ikalima at huling set.

Pansamantalang nahawakan ng UP ang kalamangan sa panghuling set, 5-4, subalit nag-init ang opensiba ng UST sa magandang pagsasagawa ng mga plays ni Guiao para kina Lagar, Magpoc at Ruelos upang makaungos sa 11-9 na kalamangan. Muling tumabla ang UP sa magkasunod na iskor ng magkapatid na Hubalde. Sa pinakakrusiyal na bahagi ng laro, ibinigay ni Guiao ang bola kay team captain Rico de Guzman ang bola at hindi siya nagkamali sapagkat kumonekta ito ng dalawang magkasunod na quick kills. Isang pagkakamali ni Lagar nang tumapak siya sa kabilang linya pagkatapos mag-block ang muling nagbigay ng kaba sa UST.

Nakamit ng UST ang panalo ng makaiskor si Ruelos sa kaniyang tip-in na nabigong madepensahan ni Jerico Hubalde.

“Nadala ang mga bata sa mga maling tawag ng mga umpires,” katuwiran ni UST coach Lontoc sa kanilang muntikang pagkatalo.

“Buti na lang lumabas ang experience ng mga bata sa bandang huli,” dagdag ni Lontoc.

Ipinagpatuloy ng UST ang pamamayagpag pagkatapos durugin ang Adamson Falcons noong Agosto 4 sa tatlong mabilis na set, 25-15, 25-16, 25-16.

Nagmistulang punching bag ang Falcons sa buong laro. Walang magawa ang kanilang depensa sa pamimiyesta ng mga power-hitters ng UST. Naghalinhinan sina Christian Fernandez at Guiao sa pagsasagawa ng mga plays para kina Lagar, Reyes at Ruelos upang sunugin ang mga kamay at net ng Falcons sa kanilang mga nag-aapoy na smash at quick kills.

Sinamahan pa ng Tiger Spikers ng nakakasakal na depensa ang kanilang magandang opensa upang huwag ng bigyan pa nang pagkakataon na makahabol ang Falcons para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

LEAVE A REPLY