UST Male Woodpushers, lumalabo ang pag-asa sa kampeyonato

0
591

SA NALALAPIT na pagtatapos ng unang round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) chess tournament, 10 puntos pa lamang ang naitatala ng UST Male Woodpushers para makuha ang ika-anim na puwesto.

Bumagsak ang Tiger Woodpushers, 1.5-2.5, sa kamay ng University of the Philippines Woodpushers noong Agosto 25 sa UE briefing room.

Hindi nagawang makalusot ni National Master at UST Woodpusher Bob Jones Liwagon sa kalabang si Karl Espallardo ng UP.

Dumapa naman si UST Woodpusher Jerson Bitoon sa baguhan ng UP, habang naitabla naman ni Rynam Arce ang laban nila ni Cromwell Sabado sa board three.

Nakuha naman ni Jonathan Calapati ang kaisa-isang panalo ng UST matapos nitong talunin si Bernard Templo.

Samantala, nalasap naman ng Male Woodpushers ang kanilang pinaka-masaklap na pagkatalo sa kamay ng NU Woodpushers, 0.5-3.5 noong Agosto 24.

Yumuko si Liwagon sa kalabang Daniel Canzon ng NU habang tumabla si Arce kay Michael Adarlo.

Kapwa naman natalo sina Arnold Dableo at Calapati ng UST kina Samuel Sindingan at Franciso Ramil.

Samantala, tumabla ang Male Woodpushers sa katunggaling Adamson Woodpushers, 2-2, noong Agosto 18.

Pinadapa ni Liwagon si Jeffrey Pascua ng Adamson habang lumuhod naman si Bitoon ng UST kay Jonathan Bayron.

Nabigo rin si Dableo na maiuwi ang panalo sa board three kontra kay Rafael Urgel ng Adamson.

Pinalad naman si Calapati sa kanyang laban kay Richard Belicena at naitabla ang iskor kontra Adamson, 2-2.

Samantala, nangibabaw naman ang Tiger Woodpushers laban sa FEU Woodpushers, 2.5-1.5, noong Agosto 17.

Nanaig si Liwagon laban kay Johnny Caballero habang tumabla naman si Bitoon kontra Redentor Cirilo.

Nabigo naman si Dableo laban kay Avonyr Manliclic at nanalo naman si Calapati kay Voltaire Acero.

Nagawa namang tumabla ng UST Male Woodpushers laban sa Ateneo de Manila Woodpushers, 2-2, noong Agosto 11.

Pinangunahan ni Liwagon ang UST nang kanyang talunin si Oscar Pobre ng Ateneo.

Samantala, sinawim–palad si Bitoon matapos siyang paluhurin ni Omar Baglacsa. Sa board three, natalo si Arce ng katunggaling si Leonard Reyes.

Bumawi ang UST sa board four matapos gapiin ni Calapati si Simon Dolosa para maitabla ang iskor sa 2-2.

Bumagsak naman ang Tiger Woodpushers sa kamay ng UE Woodpushers sa iskor na 1.5-2.5 noong Agosto 10.

Naitabla ni Liwagon ang kanyang laro laban kay Nelman Lagutin, 0.5-0.5, habang natalo naman si Bitoon sa katunggaling si Malik Gumama.

Nasungkit naman ni Arce ang kaisa-isang panalo laban kay Stephen Mansanero sa board three.

Nagtala ng panalo ang UE matapos na ma-default si UST Woodpusher Arnold Dableo. Hindi nagawang makarating ni Dableo sa laban kung kaya ibinigay sa UE ang panalo.

Ayon kay acting Male Woodpushers Coach Winston Silva, hindi pa tapos ang kampaniya ng kanyang koponan para sa taong ito.

“We’re not yet losing hope. May second round panaman, at double round-robin iyon. May pag-asa pa tayo sa top-three kaya lang medyo malabo na sa championship,” ani Silva.

Lady Woodpushers nangunguna

Bagamat may isa pang laro bago magsara ang unang round ng women’s chess competitions, desidido ang Lady Woodpushers na manatili sa taas ng team standings matapos lampasan ang NU Lady Woodpshers, 3.5-0.5, noong Agosto 25 sa UE briefing room para maitala ang kabuuang iskor na 14.

Pinadapa ni National Master at Lady Woodpusher Rusela Joya ang katunggaling si Marie Manalastas habang nagwagi si Shercila Cua laban kay Judith Belardo.

Nanalo naman si Sherie Pearl dela Cruz laban kay Celestial Atencio habang tumabla si Reajean Dableo kontra Michelle Cientes.

Ginapi naman ng Lady Woodpushers ang matibay na FEU Lady Woodpushers, 2.5-1.5 noong Agosto 24.

Umiskor ng tabla si Joya laban kay Jennifer Cruz ng FEU habang nanalo si Cua kay Gadon ng FEU.

Yumuko si Dela Cruz kay Leninda del Rosario habang nasungkit ni Dableo ang isang panalo kontra Mabel Biag.

Samantala, bumawi ang Lady Woodpushers matapos ang mabagal na panimula matapos nilang hiyain ang Ateneo Woodpushers, 3.5-0.5 noong Agosto 18.

Tinalo nina Joya, Cua at Dableo ang mga baguhang mula sa Katipunan habang tumabla si dela Cruz kay Jayme Lihan.

Nagpakita rin ng bangis ang Lady Woodpushers laban sa UE Woodpushers matapos silang manalo, 3-1, noong Agosto 17.

Tinalo ni Joya si Maredeon Berneza ng UE habang nilampasan ni Cua si Regina Gonzales sa board two.

Sinawim-palad naman si dela Cruz sa kanyang laban habang tinapos ni Dableo ang kalaban.

Samantala, dumapa ang Lady Woodpushers sa kanilang laban sa De La Salle University Woodpushers, 1.5-2.5, sa kanilang engkwentro noong Agosto 10.

Hindi nagawang maipanalo ni Joya ang kaniyang laban kay Faith Dimakiling.

Naiuwi naman ng nagbabalik na National Master na si Joann Toledo ang isang panalo kontra kay Aileen Caños. Si Toledo ay muling nagbalik sa Lady Woodpushers ngayong taon matapos nitong maayos ang ilang problemang pang-akademiko.

Tumabla naman si Cua sa kalabang si Ana Paula Castillo habang tumiklop naman si dela Cruz kontra kay Jennifer Advincula.

Ayon kay National Master at Lady Woodpushers coach Ronald Dableo, bumalik na ang magandang laro ng kanyang koponan.

“Okey na kami ngayon, naka-recover na sila, (matapos ang mabagal na pagsisimula). Malaki ang chance natin sa chamapionship pero, malayo pa, baka madisgrasya,” ani Dableo.

LEAVE A REPLY