UST Paddlers, handa nang bumawi

0
381

MATAPOS mabigong makuha ang kampeonato sa kabila ng isang impresibong kampanya noong nakaraang taon, handang–handa na ang mga UST Male Paddlers na bumawi at makabangon sa pagkalugmok sa kanilang pagsabak ngayong taon sa UAAP Table Tennis competitions simula Setyembre 14.

Dala ang matinding pagkauhaw at pagkagutom sa panalo, umaasa ang mga Tiger Paddlers na maiuwi ang kampeonatong maaaring naging kanila sana noong nakaraang taon.

Matatandaan na napunta sa UP Male Paddlers ang kampeonato noong nakaraang taon matapos ang kontrobersyal na desisyon na nagbigay sa UP ng korona, sa kabila ng magkaparehong rekord na naitala ng koponan ng mga Maroons at mga Tigers.

Parehong nakapag-tala ng 12-2 panalo-talong baraha ang UP at UST matapos ang elimination round, na dapat ay magdadala sa dalawang koponan sa championship round.

Subalit nagkaroon ng problema ang dalawang koponan kung sino sa kanila ang dapat mabigyan ng twice-to-beat na bentahe.

Parehong nakakuha ng panalo laban sa isa’t-isa ang dalawang koponan sa elimination round, ngunit hindi pumayag ang UP Paddlers na mawala sa kanila ang twice-to-beat dahil daw nang sila ay matalo sa UST, nagawa pa rin nilang manalo ng isang set kung ikukumpara sa huli na hindi nanalo ni isang set laban sa Maroons.

Bagamat masakit, ibinigay na lamang ng UST Paddlers ang kampeonato sa UP para maayos na ang gulo.

Ayon kay UST Paddlers head coach Herbard Ortalla, wala nang ibang nasa isip ang kanyang koponan kundi ang makabawi.

Dahil dito, puspusan ang naging pagsasanay ng koponan para masigurong makopo ang kampeonato para sa UST ngayong taon.

Muling sasabak sa labanan ang Tiger Paddlers na pamumunuan ni team captain at 2000 Rookie of the Year Harold Baring, ang matibay na si Celjun Ortalla, Allyn Jalbay, at ang nagbabalik na si Celedonio Pisan na hindi nakapaglaro noong nakaraang taon dahil sa ilang problemang pang-akademiko.

Magbibigay din ng dagdag na lakas sina Jimboy Baring, Glen Mark Peralta, Luisito Focardas at ang baguhang si Raymond Serra.

Sa panig naman ng mga babae, ninanais naman ng UST Lady Paddlers na makadalawang sunod na kampeonato ngayong taon at maipagpatuloy ang kanilang pangingibabaw sa UAAP Women’s Table Tennis sa kabila ng pagkawala ni 2001 Most Valuable Player Maricar Cruz. Nagtapos na sa pag-aaral si Cruz nitong nakaraang taon.

Sa pagnanais na maisakatuparan ang kanilang mithiin, nagpasok ng mga bagong manlalaro sa koponan si Coach Ortalla — sina Jayme Yanga at Jay-an Vidal.

Si Yanga, na nagmula pa sa Bulacan, ay nagtapos sa ikalawang puwesto sa doubles competition sa nakaraang Palarong Pambansa, habang si Vidal na mula pa sa Ilocos ay natapos naman sa ikatlong puwesto sa singles competition ng naturang torneyo.

Kasama nina Vidal at Yanga ang kapwa mga baguhang sina Jinny Kim at Joanne Ocampo.

Susuportahan ng mga baguhan ang mga subok nang sina Melody dela Fuente, Charisma Andrade, ang Rookie of the Year noong nakaraang taon na si Rhoda Casiño, at si team captain Ivy Valle.

Dagdag na pagsasanay

Upang lalo pang masanay ang koponan, nag-organisa ang UST Paddlers ng Friendship Games na ginaganap tuwing Sabado at Linggo.

Kalahok sa naturang torneo ang mga koponang mula sa iba’t-ibang eskwelahan at organisasyon tulad ng Philippine Christian University, San Beda College, Polytechnic University of the Philippines at Philippine National Police.

Ayon kay Coach Ortalla, malaki ang pag-asa ng UST Paddlers na magkaroon ng isang magandang kampanya sa UAAP ngayong taon.

“Puwede tayong mag-champion sa men’s, kahit na malakas ang UP, seryoso naman sa pagti-training ang team,” ani Ortalla.

“Adamson at UP naman ang mahigpit na kalaban ng women’s team, pero pipilitin pa rin nilang mag-champion,” dagdag pa niya.

Huling natikman ng UST Male Paddlers ang korona ng UAAP men’s table tennis noong 1996, panahon noong si Ortalla ay naglalaro pa sa koponan ng UST, kung kaya’t mababakas ang gutom sa kanilang mga mata na maiuwi ang korona.

LEAVE A REPLY