Lady Tracksters, nagpamalas ng bilis

0
524

PINAMALAS ng UST Lady Tracksters ang kanilang kamandag sa palakasan nang makamit nila ang ilang medalya sa nakaraang Inter-Religous Peace Sports Festival noong Hulyo 20 hanggang 27 sa Asan, South Korea.

Bagaman wala si Mercy Caña, ang kanilang team captain, nakuha pa ring umani ng parangal ng Tracksters. Hindi pinalad si Caña na makalahok sa nasabing kompetisyon dahil sa kawalan ng visa.

Gayumpaman, ang mga palabang Tracksters, Liza Yambao, Leslie Cercado, Josephine de los Reyes, Nhean Bersana at Diwata Pelaez, ang magiting na humarap sa kanilang kalaban na mula pa sa halos 20 bansa.

Pinangunahan ni Cercado ang Tracksters nang manalo siya ng silver na medalya sa 100-meter run. Nagkamit naman ng bronze na medalya si Yambao sa 5,000-meter run habang nag-uwi naman ng bronze na medalya sa 4×100-meter relay sila Pelaez, de los Reyes, at Bersena. Nagwagi din si Bersena ng isa pang tansong medalya sa 800 meter run.

“Mabuti na lang at maganda ang training sa amin,” pahayag ni Yambao.

Ang mga Tracksters ay nagtungo sa Korea noong Hulyo 20 sa ilalim ng patnubay ni head coach Manny Calipes.

“Maganda iyong tuloy-tuloy na tune-up games para sa amin, para kapag sumapit na ang UAAP ay handang handa na kami,” wika ni Calipes.

Samantala, isang bagitong trackster ang namayagpag sa nakaraang Milo race noong Hulyo 25 sa Quirino Grandstand, Luneta.

Dinomina ni Bernardita Magaso ang 5-kilometer fun run sa nasabing taunang kompetisyon. Tinukoy ni Calipes si Magaso, kasalukuyang nasa unang taon sa UST, bilang batang mananakbo na malaki ang potensiyal.

Bilang pagsasanay, patuloy ang mga Tracksters na lumalahok sa Philippine Amateur Track and Field Association of the Philippines Weekly Relay tuwing Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.

Sa kasalukuyan, naghahanda sila para sa Unigames na gaganapin sa Oktubre sa Bacolod City, Negros Occidental. Dino Paulo T. Maragay

LEAVE A REPLY