‘Gawi, gaano kahanda sa Season 73?

0
391

WALANG sugat ang hindi naghihilom.

Bigo mang maiuwi ng UST Salinggawi Dance Troupe ang tropeo sa UAAP Cheerdance Competition noong nakaraang taon, hindi naman ito naging hadlang sa grupo upang magsimula muli at magpursigi para maibalik ang koronang sadyang silang ang may-ari.

“Narito pa rin ang kagustuhan naming manalo,” ani Mara Gersmundo, pangulo ng Salinggawi. “Marami ang nagsasabi sa amin na gusto na talaga nilang maibalik dito [sa UST] ang titulo.”

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng kompetisyon, hindi lumapag ang koponan sa alinman sa unang tatlong puwesto noong taong 2009, maliban noong 1998 kung saan hindi nakilahok ang UST sa kompetisyon. Ngunit hindi sila tuluyang umuwi ng luhaan dahil ginawa naman nila ang lahat ng kanilang makakaya upang bigyang parangal ang mga kapuwa nila Tomasino.

“Masaya naman kami sa performance namin noong nakaraang taon,” sabi ni Gesmundo. “Ibinuhos namin ang aming loob sa pagsasayaw.”

Aminado si Gesmundo na mas nakatuon sa teknikal na aspeto ang criteria sa mga nakaraang taon. Nagsilbing malaking hamon ito sa Salinggawi dahil nasa aspeto ng pagsayaw ang kalakasan nila bilang isang dance troupe.

“Sa mga nakaraang taon, naging teknikal ang [paghahatol sa] kompetisyon. Sa aking opinyon halos nagiging katulad na ng NCC (National Cheerleading Competition) ang UAAP dahil sa cheerleading,” sabi ni Gesmundo. “Nagkaroon ng shift mula cheerdancing patungong cheerleading.”

Bukod pa rito, napansin din niya na unti-unti nang nakakasabay ang ibang mga kalahok kaya’t hindi pa niya matukoy kung sino ang magiging malakas nilang katunggali maliban sa defending champion Far Eastern University at perennial rival nila na University of the Philippines Pep Squad.

“Halos lahat ng unibersidad talagang nag-level-up. Hindi ko masabi kung anong unibersidad [ang magiging pinakamahirap naming makakalaban],” dagdag niya.

Sa kabilang banda, hindi naman nagpapahuli sa puspusang paghahanda ang Salinggawi na nasa pangangalaga pa rin ng ace choreographer nilang si Ryan Silva na dating kasapi ng grupo.

Halos pareho pa rin ang mga miyembrong sasabak sa nalalapit na araw ng kompetisyon. Bunga nito, tumindi ang chemistry ng grupo at mas naging bukas sila sa saloobin ng bawat isa na tumulong upang mas magkaisa sila bilang isang pangkat.

“Hindi na tayo beginner na team lang,” sabi ni Gesmundo, “Halos same cast at lahat alam na yung pakiramdam kung paano mag-perform ng live, sa harap ng kamera, exposed na [sila].”

Puspusan na ang kanilang pag-eensayo linggu-linggo sa lahat ng aspeto ng sayaw at gymnastics.

“Hindi kami nag-focus sa isang aspetong lang dahil ayaw naming magkulang sa ibang aspeto,” sabi ni Gesmundo.

Para sa eight-time UAAP cheerdance champions, bonus na lamang kung manalo sila sa Setyembre. Ang mas mahalaga ay magbigay sila ng kasiyahan sa mga Tomasino sa kanilang pagtatanghal. Frauleine Michelle S. Villanueva

LEAVE A REPLY