Lady Booters di pinaporma ang kalaban

0
326

Walang pinipiling klima o sitwasyon ang Lady Booters, na nagtagumpay sa RP Team U-17, 1-0, noong ikawalo ng Agosto sa gitna ng malakas na ulan at maputik na palaruan. Photo by Lorena D. MondragonSA TINDI ng depensa ng UST Lady Booters, wala ni isa man sa kanilang mga nakalabang koponan sa Rexona Cup ang hinayaan nilang makapuntos.

Nasungkit ng Lady Booters ang kampeonato laban sa Far Eastern University (FEU), 1-0, noong ika-22 ng Agosto sa Ateneo de Manila University soccer field, tangan ang kanilang walang bahid na kartada sa torneo.

“Patunay [ito] na bawat isa sa kanila ay talagang gustong maglaro ng maayos,” ani UST head coach Rozano Estrabon. “Kaya bawat laban, ipinananalo namin.”

Nasunggaban ng Lady Booters ang FEU nang makapuntos si Marice Magdolot sa loob ng goal area sa unang tatlong minuto sa first half.

Ayon kay Estrabon, naging bentahe para sa UST ang mahinang depensa ng FEU, na naging daan upang maging malamig ang opensa ng kalaban.

Nagawang maka-goal ng FEU sa kalagitnaan ng second half na dapat sana’y magtatabla sa laban ngunit hindi ito binilang ng referee dahil tumawag ito ng isang foul bago pa man makapasok ang bola.

Nauna nang mapadapa ng Lady Booters ang FEU alumnae, 2-0, noong ika-15 ng Agosto pagkatapos nilang pabagsakin ang RP Team U-17, 1-0, noong ikawalo ng Agosto.

Nakalusot din ang Lady Booters sa kamay ng De La Salle University, 1-0, noong ika-6 ng Agosto matapos nilang patumbahin ang Ateneo sa sarili nitong baluwarte, 3-0, noong ika-23 ng Hulyo.

Tinambakan naman ng Lady Booters ang University of the Philippines, 4-0, upang mapagtagumpayan nila ang kanilang unang laban sa torneo noong ika-18 ng Hulyo.

Bagama’t isang hudyat ang pagkapanalo ng Lady Booters ng kahandaan nila sa Season 73 ng UAAP, hindi pa rin buo ang kumpiyansa ni Estrabon dahil kailangan pa ring maisaayos ng mga manlalaro ang kanilang grado sa unang semestro ng taon. Rey Ian M. Cruz at may ulat mula kay Lorena D. Mondragon

LEAVE A REPLY