Mga Atleta lumipat sa bagong tahanan

0
623

MATAPOS ang ilang hindi kaaya-ayang karanasan sa dati nilang dormitoryo, tila wala nang dapat ikabahala ang mga manlalaro ng UST sa kanilang bagong tahanan dahil kapuwa rin nila Tomasino ang may-ari at nangangasiwa rito.

Inilipat na sa Residencia Josefina, ang dormitoryong pagmamay-ari ng UST alumna na si Josefina Sioson at ng asawa niyang si Antonio, ang 237 na atleta ng Unibersidad noong ika-31 ng Hulyo matapos ang dalawang taon nilang paninirahan sa Active Dormitory.

Mula sa College of Commerce Batch ’66 si Josefina, samantalang Tomasino rin ang nagdisenyo ng gusali na si Jay Sibug na mula naman sa College of Architecture.

Kabubukas lamang ng Residencia Josefina noong nakaraang Mayo at isa ang mga atleta ng UST sa mga unang nanirahan dito.

Bukod sa may sarili silang palikuran at maliit na kusina, naka-aircon din ang lahat ng kanilang silid bagaman limitado lamang ang oras ng paggamit nito. May silid rin kung saan maari silang maglaba at magsampay ng damit.

Binabalak ding maglagay ng mag-asawang Sioson ng isang multi-purpose hall sa labas ng gusali at internet station sa loob ng dormitoryo. Kumpleto rin ang kanilang mga kagamitang panlaban sa sunog tulad ng mga smoke alarm, fire extinguisher, at fire exit.

Pinaigting naman ang paniniguro sa kaligtasan ng mga atleta sa pamamagitan ng paglalagay ng 12 na closed-circuit television (CCTV) camera na nakapalibot sa gusali.

At kung sa dati nilang dormitory ay marami silang naging reklamo sa inihahain na pagkain noon, sa Ate Eva’s Grill sa may UST carpark na ngayon kinukuha ng mga atleta ang pangaraw-araw nilang pagkain sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang meal stub.

Ikinatuwa hindi lamang ng mga atleta kundi pati ng mga coach ang paglipat nila sa Residencia Josefina na matatagpuan sa kanto ng mga kalye ng Laon Laan at Cristobal.

Bagaman may kalayuan ito sa UST, may maganda namang pasilidad at akomodasyon para sa mga atletang Tomasino.

“Wala namang negatibong komento ang mga atleta natin tungkol sa dormitoryo, maliban na lang siguro sa malayo. Pero iyong accommodation nila, maayos naman,” ani table tennis coach Henberd Ortalla.

Ayon naman kay Tigresses coach Julie Amos, isang malaking hakbang ang ginawa ng UST upang mapabuti ang kalagayan ng mga manlalaro nito at mapataas ang kalidad ng sports program ng Unibersidad.

“Tumatapat na tayo sa kalidad ng ibang mga paaralan at talagang maipapagmamalaki na ang dorm namin ngayon,” ani Amos.

Ilan sa mga atletang nagpahayag ng kanilang kagalakan sa bago nilang dormitoryo ay sina Tigress Rina Laud at Golden Booter na si Joel Bones.

“Mas nasisiyahan kami dahil nakatutulog na kami nang maaga ngayon, hindi na kasi mainit,” ani Laud.

“Mas maganda at mas maayos dahil konti lang kami dito sa isang kuwarto,” ani Bones.

Mas ginaganahan naman ang mga atleta ngayon sa pag-eensayo ayon kay Female Trackster Luville Dato-on.

“Mas naeengganyo kami mag-perform sa mga training namin ngayon kasi maganda na ang kapaligiran ng dorm namin,” aniya.

Kasalukuyan pang tinatapos ng mga may-ari ng Residencia Josefina at nina Evelyn Songco, assistant to the Rector for Student Affairs, at bise rektor P. Pablo Tiong, O.P., ang paglalakad ng mga papeles para sa kanilang kontrata sa nasabing dormitoryo.

Tumanggi naman si Songco na ihayag ang eksaktong presyo ng pananahan ng mga atleta sa Residencia Josefina.

“Mas mababa ang ibinabayad namin dati dahil kasama na ang pagkain. Ngayon kasi hiwalay. Medyo malaki na ang gastos namin sa pagkain,” ayon kay Songco.

Bagama’t mas malaki ang inilalabas na salapi ng Unibersidad ngayon kumpara dati, hindi naman ito alintana dahil prayoridad pa rin nila ang kalagayan ng mga atleta.

“Mas komportable naman ang mga atleta natin sa bago nilang dormitoryo, Iyon na rin ang paraan ng pagkilala namin sa mga naging kontribusyon nila [sa Unibersidad]” ani Songco.

Tiniyak naman ng mag-asawang Sioson na pangangalagaan nilang mabuti ang mga manlalarong Tomasino na namayani sa torneo at nakapag-uwi ng ika-37 na general championship title sa UAAP.

“Kami ang magsisilbing mga magulang nila sa Residencia Josefina at susubukan naming silang bigyan ng magandang serbisyo at pangangalaga.” ani Antonio.

“Bilang kapalit, inaasahan namin silang magpakitang-gilas sa larangan ng palakasan at pag-aaral,” dagdag pa nito.

Ayon din sa mag-asawang Sioson, nais nilang gawing eksklusibo sa mga manlalaro ng Unibersidad ang dormitoryo sa susunod na taon kapag natapos na ang kontrata ng ibang mga nangungupahan doon.

“By January 2011, it is for UST [athletes only],” ani Antonio. Angelo Nonato P. Cabrera

LEAVE A REPLY